ANG ugali ay ugali na talaga. Kakambal na ‘yun ng balat, anumang payo ang ibigay mo ay ‘yun pa rin ang iiral, dahil ‘yun na ang kanyang kinasanayan at kinalakihan.
Ano nga ang sabi? Ang unggoy, damitan mo man ng ginto, ay unggoy pa rin. Ganu’n ang kuwentong pinagpistahan isang gabi ng magkakaibang miron na matagal nang nakakatrabaho ng halos lahat ng mga artista.
Alam na alam na nila ang ugali ng mga personalidad, wala nang maitatago sa kanila, malayo pa ang artista ay amoy na amoy na nila ang mga ugali.
Pero ang sinentruhan ng tropa ay ang isang female personality na mahirap pakibagayan. Hirap silang kapain ang ugali ng aktres, nakikipagpakiramdaman na lang sila dahil sa pagbabagu-bago ng ugali ng babaeng personalidad.
Kuwento ng isa sa umpukan, “Nakatrabaho ko na silang lahat, minsan nga, ako rin ang kinukuha ng mga international production kapag may ginagawa silang pelikula dito sa atin, pero nasira ang ulo ko kay ____ (pangalan ng isang pamosong aktres).
“Mahirap siyang tiyempuhan, para siyang hunyango, paiba-iba ng ugali at tantrums! Grabe ang isang ‘yun, minsang babatiin ka nang bonggang-bongga kahit malayo ka pa lang, pero meron namang moment na nagkakapalitan na kayo ng mukha, pero dededmahin ka lang niya!
“Minsan, e, puro superlatives ang papuri niya sa iyo, pero minsan naman, sobra ka niyang ipapahiya sa maraming tao! Grabe siya, wala nang iba, siya na nga talaga!” nalolokang kuwento ng source.
Nu’ng minsang mag-taping sila sa isang may kalayuang probinsiya ay halos dala-dala na ng female personality ang lahat ng mga appliances niya sa bahay. As in, kulang na lang na magdala na rin siya ng washing machine, ganu’n katindi ang parang paglilipat-bahay niya.
Hirit naman ng isa pa sa umpukan, “Ganu’n pala siya? Kapag break na, e, para siyang chef na luto nang luto, puro sosyal na food ang may-I-cook niya, mga sosyaling pagkain na parang siya lang naman ang nakaka-appreciate!
“Minsan naman, e, kain lang siya nang kaing mag-isa, nakanganga lang ang mga kasama niya, hindi siya nagbibigay. Mahirap siyang kapain, mahirap siyang makatrabaho, tingnan natin ngayon kung ano ang masasabi sa kanya ng mga bago niyang makakatrabaho sa isang network,” kuwento ng miron.
Aba naman, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, hindi naman kayo ipinanganak kahapon, kaya siguradong sa isang kumpas lang, e, kilalang-kilala n’yo na agad kung sino ang hitad na female personality na ito.