NASAAN na nga ba ngayon ang isang munting male personality na binigyan ng oportunidad na makilala nu’n ng isang matulunging aktor-TV host sa kanyang show?
Unang nakilala ang munting personalidad bilang babae, dinamitan siya ng pambabae at bumagay naman ‘yun sa kanya, pero isang araw ay nalantad ang katotohanan na lalaki pala siya.
Mula nu’n ay parang nawalan na ng ningning ang kanyang bituin, wala na kasing pag-uusapan tungkol sa kanya, nalantad na kasi ang katotohanan na lalaki pala siya at hindi naman babae.
Pagkatapos ng ilang taon ay may nakakita sa kanya sa isang bar, kumakanta-kanta siya at sumasayaw, pero hindi rin siya nagtagal dahil hindi raw siya nababayaran nang maayos.
Kulang pa raw sa kanyang mga gastusin sa araw-araw ang talent fee niya sa nasabing bar, nang lumipat naman siya sa ibang bar para mag-show ay ganu’n din, binabarat lang siya.
Kuwento ng aming source, “Wala na siyang career, wala na rin siyang magandang raket sa Manila, kaya umuwi na lang siya sa kanilang probinsiya. Nandu’n na siya ngayon, magsasaka na lang, nagtatrabaho siya sa bukid.
“Nakakalungkot nga, nu’ng magkasakit ang isang kapamilya niya, e, naibenta pa nila ang nabili niyang kalabaw nu’ng malaki pa ang kinikita niya.
“Pati ang tricycle na naipundar niya, e, wala na rin ngayon, naibenta na rin, dahil wala naman silang pinagkukunan ng pang-araw-araw nilang gastos,” naaawang kuwento ng aming source.
Pana-panahon lang talaga ang popularidad ng mga artista, walang katiyakan ‘yun, walang forever sa showbiz. Nandiyan lang sila ngayon, bukas ay wala na, dahil may bago na namang iniidolo ang publiko.
Pagtatapos ng aming source, “Naku, Bradly Guevarra, kilalang-kilala mo kung sino siya. Kunin mo man siya ngayon sa isang show, e, hindi siya mahal, murang-mura lang ang talent fee niya.”