Sulat mula kay Mercy ng San Agustin, Digos, Davao del Sur
Problema:
1. Matagal nang hiwalay ang tatay at nanay ko dahil may ibang pamilya na ang tatay ko, pero kahit may iba na siyang pamilya lagi pa rin siyang dumadalaw sa bahay at naguusap pa naman sila ng nanay ko. Mula ng mag-hiwalay ang mga magulang ko kaming tatlong magkakapatid ay dito naninirahan sa nanay ko at sabi nya sa amin, nasa tatay ko daw ang pasya kung iiwan nya ang babae nya ay payag naman daw si nanay ko na makipagbalikan sila para muling mabuo ang aming pamilya.
2. Itatanong ko lang kung may posibilidad kaya silang magkabalikan at muling mabuo ang aming pamilya? Yon lang ang wish ko sa darating na birthday ko sa November 10. Sana magkabalikan na ang tatay ang nanat ko. September 13, 1976 ang tatay ko at May 4, 1976 naman ang birthday ng nanay ko.
Umaasa,
Mercy Davao del Sur
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Scorpio (Illustration 2.) habang Virgo at Taurus naman ang mga magulang mo ang nagsasabing compatible naman sila, subalit dahil Scorpio ang iyong zodiac sign na, tandaan mong ikaw ang isa sa mga magiging susi, upang sila ay muling magkasundo at muling magmahalan.
Numerology:
Ang birth date mong 10, samantalang 13 at 4 naman ang birthday ng iyong mga magulang ay nagsasabing kapag hinimok o hinikayat mo talaga silang mag-balikan, sa bandang huli, wala silang magagawa kundi ang sumunod sa iyo, dahil higit na makapangyarihan ang birth date mong 10, kaysa sa birth date niyang 4 at 13.
Luscher Color Test:
Upang mas madali mong mapagkasundo ang inyong mga magulang, dapat na gumamit kayo ng kulay na berde sa inyong bahay. Kapag laging nakikita ng tatay at nanay mo ang kulay na berde, madali na nilang malilimot ang nakaraan, upang muli silang magsimula ng mas masaya at bagong buhay sa ngayon, sa piling ng tunay nilang pamilya.
Huling payo at paalala:
Mercy ayon sa iyong kapalaran sa taong darating 2017, ikaw ang magsisilbing susi at ang mga kapatid mo upang muling magkabalikan ang inyong mga magulang. Umpisahan mo ng pakiusapan sila upang pagsapit ng 2017 sa buwan ng Enero o kaya’y Pebrereo kusa ng matutupad ang malaon mo ng pangarap – muling mabubuo, lalo pang magiging maligaya at pang habang buhay na nga uling magsasama-sama ang inyong pamilya.