Hindi makauwi dahil sa utang

MARAMI pa ring Pinoy ang patuloy na pinapaniwala ang kanilang mga sarili na walang nakukulong sa utang.

Kaya naman kapag nabaon na sila sa utang, gagawa at gagawa sila ng lahat na paraan upang matakbuhan at talikuran ang kanilang mga obligasyon.

Sa Saudi Arabia lamang ay may 300 overseas Filipino workers ang hindi pinapayagang makauwi sa Pilipinas dahil sa kanilang mga pagkakautang.

Tulad na lamang ng kaso ng isang OFW na kumuha ng loan na nagkakahalaga ng 3,000 Saudi Riyal noong 2013. Pinabayaan niya ang kanyang utang na lumobo at umabot sa 10,000 Saudi Riyal.

Dahil sa nagkapatong-patong na interes, naging 17,000 SAR na ang naturang utang na may katumbas na P200,000.

Palibhasa’y wala na talagang ipambabayad sa kanyang utang ang OFW kung kaya’t nagdesisyon na lamang itong umuwi ng Pilipinas.

Ngunit nang nag-aaply na siya ng exit visa, hindi ito binigyan at mahigpit na pinaalalahanang hindi siya makalalabas ng bansa hangga’t hindi nito binabayaran ang pagkakautang.

Walang magawa ang ating kabayan kundi ang magmakaawa at makiusap sa naturang loan company na tanging ang nautang lamang na 3,000 SAR ang siyang pagsisikapan niyang bayaran at kaunting interes.

Ipangungutang din umano nito ang pambayad sa mga kaibigang OFW at magpapadala mula sa pamilya sa Pilipinas.

Kinumpirma naman ni Vice Consul Alex Estomo ang problemang ito lalo pa ng mga OFW mula sa Saudi Bin Laden group.

Ayon sa kanya, may dalawang Pilipina na ang modus-operandi ay pauutangin ng halagang 3,000 SAR ang gipit na OFW na babayaran lamang nila sa loob ng anim (6) na buwan.

Sabi pa ni Estomo nagkakaproblema sila dahil sa may napirmahang kontrata ang ating mga OFW at hindi nila naiiintindihan ang ilang probisyon doon na ang principal amount ng kanilang inuutang ay 10,000 SAR at hindi 3,000. Ngunit ang aktuwal na mahahawakan lamang nila ay 3,000 SAR.

Sa ngayon, tali ang kamay ng mga OFW sa naturang kasunduan. Tanging ang pagbabayad sa utang ang siyang solusyon sa kanilang problema upang makauwi ng Pilipinas.

Mahigpit na paalala ni VC Estomo na huwag pipirma ng anumang dokumento kung hindi nila naiintindihan ang nilalaman ng mga iyon.

Ang tao kasi kapag nagigipit kahit sa patalim kumakapit.

Isa ka bang OFW o kaanak ng OFW na may nais iaprating sa gobyerno o kaya ay may problema, maaaring sumulat sa Bantay OCW c/o Bandera 4th floor, MRP Building, corner Mola and Pasong Tirad sts, Makati City o kaya ay mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...