Brgy chair vs 7 kagawad

NAAPRUBAHAN na ng Kongreso ang panukala na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na gagawin sana sa Oktubre.

Ipinagpaliban ang eleksyon para magamit muna ang bilyon-bilyong pisong gagatusin dito sa ibang mas mahalagang proyekto ng gobyerno.

Sa Oktubre 2017 na lang ito gagawin.

At habang wala pa ang eleksyon, posibleng isingit na ang mga pagbabago sa sistema upang mas mapaganda umano ang pagli-lingkod sa bayan ng mga barangay.

Isa sa mga nagpanukala ng pagbabago si House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sabi ni Speaker mukhang mas makabubuti kung aalisin na ang mga barangay kagawad na kasamang inihahalal ng kapitan.

Naniniwala kasi si Speaker na mas nakapaglilingkod ang mga barangay tanod, worker sa Health Center at mga katulad nito kaysa sa mga kagawad na ang trabaho ay katulad ng nahalal na konsehal ng bayan o lungsod.

Sa mga ito na lamang umano ibigay ang perang iniaabot sa mga kagawad.

Mukhang may punto naman si Speaker. Pwede naman na ang mga ordinansa na kailangan ng barangay ay ipakiusap na lamang sa konseho ng nakasasakop na bayan.

Natuwa rin ang mga kapitan ng barangay sa ginawang ito ng Kongreso.

Wala silang gagastusin ngayong taon at makakapag-ipon pa nang dagdag para sa eleksyon sa susu-nod na taon.

One point para sa mga kongresista na mas malapit sa mga kapitan ng barangay kumpara sa senador (hindi naman lahat).

Pero kung matutuloy ang gusto ni Speaker na
alisin ang mga kagawad ng barangay, baka magkaproblema sila.

Kung naka-one point sila sa mga kapitan, ang mga kongresista at senador ay may makakaaway na pitong kagawad sa bawat barangay.

Mawawalan ng trabaho ang mga kagawad at baka mapilitan ang mga ito na maging purok leader na lamang.

Isa sa mga dahilan ng pagpapaliban sa naturang halalan na ibinigay ni Pangulong Duterte ang pagkakadawit ng mga kapitan ng barangay sa operasyonlaban sa ipinagbabawal na gamot.

Kung ganito kalala ang problema, dapat ay linisin muna talaga ng gobyerno ang mga barangay para hindi makapasok ang mga magbibigay ng proteksyon sa mga sindikato ng illegal drugs.

Kung tutuusin ay mayroon lamang isang taon si Duterte para linisin ang mga barangay dahil eleksyon na sa susunod na taon. O baka kailanganin na i-postpone nila ito ulit.

Marami na ang nag-aabang sa listahan na ila-labas ni Duterte.

Gusto nilang malaman kung naroon ang pa-ngalan ng kanilang barangay kapitan.

Kung sakaling naroon ang pangalan, iboboto pa kaya nila ito kahit na hindi pa nasasampahan ng kaso o nahahatulang guilty ng korte?

Ang taumbayan ang hahatol sa kanila.

Read more...