DAHIL sa exposure ni Bela Padilla sa FPJ’s Ang Probinsyano kaya siya napansin ng neophyte director na si Ivan Andrew Payawal at ginawang bida sa indie film na “I America” na entry sa nakaraang Cinemalaya 2016.
Kuwento ni Bela, hindi siya makapaniwala nu’ng i-alok sa kanya ang papel na Erica na isang Amerasian na tumutulong sa mga GI Babies sa Olongapo.
Hindi raw ito heavy drama sabi ni Bela, “Comedy drama po ang style ng ‘I America’. At kapag napanood po ninyo, walang eksenang sobrang bigat kundi very real kung paano mag-usap ang mag-ama sa totoong buhay.”
Kaagad na tinanggap ni Bela ang pelikula dahil nakikita raw niya ang sarili niya sa karakter na Erica, “At saka ‘yun mga tao sa (Olongapo) ay mababait at ito nga ang mensahe ng movie na gusto nilang malaman natin na we’re all the same. Mababait ang Amerisians, sobrang helpful sila.”
Sa “Camp Sawi” bagama’t maraming eksena si Bela ay hindi pa rin masasabing siya ang nagdala ng pelikula dahil naroon din sina Arci Muñoz, Kim Molina, Yassi Pressman at Andi Eigenmann.
Kaya sa pelikulang “I America” ay masasabing solo na niya, “Ayoko pong isipin na ganu’n, ayokong bigyan ng expectation po ang sarili ko kasi for me, tapos na ‘yung run namin sa Cinemalaya.
“So, itong commercial release feeling ko, bonus na ito because we had a good run in Cinemalaya kaya kami pinagbigyan sa commercial run. Ayokong i-pressure ang sarili ko,” sabi pa ni Bela.
Ikalawang indie movie na ni Bela ang “I America” pero first time niyang makasali sa Cinemalaya Film Festival. Ang una niyang ginawa ay ang, “Aso’t Pusa’t Daga, (Bang Bang Alley) two years ago, three story siya directed by Ely Buendia, King Palisoc and Yan Yuzon.”
Sa mga papuri naman sa kanya ni direk Ivan, “Ay thank you. Nakakatuwa kasi I will believe the opinion of good people and I find direk Ivan to be a very kind and good person, I will forever cherish ‘yung sinabi niya kasi walang sense na makinig ka sa mga taong hindi naman nakakatulong sa ‘yo or nandiyan lang like haters and bashers.”
At dahil comedy ang “I America” at “Camp Sawi” ay nabanggit namin kay Bela na nalilinya na yata siya sa comedy, “Siguro po pinapa-try lang sa akin, sana ma-explore ko pa ‘yun, feeling ko hindi ko naman forte, parang mas comfortable pa rin ako sa drama.”
Blockbuster ang “Camp Sawi” kaya tanong namin kung may follow-up ba agad ang first venture sa pagpo-produce ng boyfriend niyang si Neil Arce together with Viva Films.
“May dine-develop po kami with Viva right now, we’re gonna start shooting in November. It’s a rom-com po. Hindi ko pa po puwedeng sabihin kung sino ang magiging leading man, but I will be working again po with Kim Molina,” kuwento pa sa amin ni Bela.
Hmmm, bakit hindi na isinama sina Andi, Yassi at Arci? Siguro dahil pare-pareho nang busy ‘yung tatlo sa kani-kanilang teleserye sa ABS-CBN.
Sabagay, as of now ay wala pang teleseryeng gagawin si Bela sa ABS-CBN dahil naurong daw sa 2017 ang gagawin niya mula sa Star Creatives.
Mapapanood na ang “I America” ngayong araw produced ng Idea First Company, Eight Films at Viva Films.