2 pang bihag ng Abu pinakawalan

abu-sayyaf

PINAKAWALAN ang dalawa pang bihag ng Abu Sayyaf, noong Linggo ng gabi sa harap ng pinatinding operasyon ng militar laban sa bandidong grupo sa Sulu, ayon sa militar.
Sinabi ni Lieutenant General Mayoralgo dela Cruz, chief ng Western Mindanao Command, na inaasahang mas marami pang bihag ang mapapalaya dahil sa walang tigil na operasyon ng militar sa mga lugar na pinagkukutaan ng Abu Sayyaf.

“We are not stopping until they are destroyed. We have a strong mandate to destroy these bandits, and more hostages are released,” dagdag ni dela Cruz.

Sinabi ni Major Filemon Tan Jr., spokesperson ng Western Mindanao Command, na pinakawalan sina Daniela Taruc at Levy Gonzales sa Panglima Estino, Sulu ganap na alas-10:30 ng gabi, kamakalawa.
Pinakawalan ang dalawang Pinoy matapos namang palayain ang isang Norwegian at tatlong Indonesian national.
Subcontractor ang dalawang biktima ng isang Telecom company na dinukot sa bayan ng Patikul noong Agosto 6.
Sinabi ni Tan na isang residente ang nakakita sa mga biktima.

Dinala sina Taruc at Gonzales sa isang military hospital sa Barangay Bus-bus sa Jolo.

Noong Sabado, pinakawalan ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad na matapos umanong magbayad ng P30 milyon sa Abu Sayyaf.
Hatinggabi ng Sabado, pinakawalan naman ang tatlong Indonesian na sina Lorence Koten, Teo Doros Kofong at Emmanuel Arakian, matapos magbayad ng P10 milyong ransom.

Read more...