Sasampahan ng walong kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si dating Bukidnon Rep. Candido Pancrudo Jr., kaugnay ng paggamit umano ng kanyang pork barrel fund sa mga ghost project noong 2007.
Bukod sa kasong graft, si Pancrudo ay sasampahan din ng apat na kaso ng Malversation at apat na kaso ng Malversation thru Falsification of Public Documents.
Inilabas umano ng Department of Budget and Management ang P49.2 milyong Priority Development Assistance Fund ni Pancrudo mula Nobyembre 2007 hanggang Hunyo 2008 sa Technology Resource Center at National AgriBusiness Corporation.
Kinuha umano bilang mga NGO-partner ang Farmerbusiness Development Corporation at Uswag Pilipinas Foundation Incorporated para sa training at livelihood seminar ng mga constituent ng kongresista.
Pero ayon sa Commission on Audit: “there is no evidence that the funds were used to finance training and livelihood seminars conducted, or to the purchase the training kits.”
Sinabi ng Ombudsman na hindi rin dumaan sa tamang proseso ang pagpili sa NGO at walang liquidation ng pondo.
“These repeated, illegal transfers of public funds to FDC’s control, purportedly for projects which did not exist, and just as repeated irregular disbursements, represent quantifiable pecuniary losses to the government,” saad ng desisyon.
Kasama sa kakasuhan sina Jesus Esmeralda, Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Maria Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover, Consuelo Lilian Espiritu, Francisco Figura, Johanne Edward Labar at Aileen Carrasco.
Nauna rito, si Pancrudo ay sinampahan ng dalawang kaso ng graft, malversation at malversation through falsification kaugnay ng maanomalya umanong paggamit nito ng P7.9 milyong PDAF noong 2008.
MOST READ
LATEST STORIES