NANANAHIMIK ngayon si Kris Aquino tungkol sa mga bagong proyektong gagawin niya sa GMA 7 sa pamamagitan ng APT Entertainment ni Mr. Tony Tuviera. Gusto niya sigurong sorpresahin na lang ang mga televiewers sa kanyang pagbabalik.
Pero siguradong kinakabog na ang dibdib ngayon ng aktres-TV host, kailangan niyang itayo ang kanyang bandera, kailangang maipamukha niya sa ABS-CBN na kahabul-habol siya.
Maraming nakalinyang gagawin si Kris sa nilundagan niyang bakuran pero ang sigurado pa lang, ayon sa aming source, ay ang programang magiging patikim bago ang Eat Bulaga.
Ang kanyang show ang magiging pre-programming ng matagal nang noontime show, siya muna bago ang tropa ng Tito, Vic & Joey at ng sangkatutak pang mga kasamahan nila sa Eat Bulaga, kailangang galingan ni Kris ngayon dahil kapag bumaba nang bumaba ang rating ng noontime show ay siguradong sa kanya ‘yun isisisi ng marami.
Mahalaga ang pre-programming, kapag nakasanayan na ‘yun ng manonood ay wala nang magiging lipatan ng istasyon, pero kapag nawalan ng interes ang publiko sa show ay siguradong apektado ang kasunod nitong programa.
Hindi kagandahan ang rating ng iniwanang show ni Kris Aquino sa ABS-CBN, nag-single digit na lang ‘yun nu’ng bandang huli, dahil siguro’y nagsawa na rin ang mga kababayan natin sa kanyang mga atake.