MAGBIBIGAY ng courtesy call ang Philippine Sports Commission (PSC) kay Pangulong Rodrigo Duterte kasama sina Paralympics bronze medalist Josephine Medina, Grandmaster Eugene Torre at ang pinakaunang Woman Grandmaster ng bansa na si Janelle Mae Frayna.
Sinabi mismo ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na ihaharap nito sa Pangulo ang tatlong atletang nagbigay ng karangalan para sa bansa sa mga isinagawang international competition noong isang linggo.
“They deserved to be feted for giving honor and prestige to the country,” sabi ni Ramirez.
Si Medina ay nakatakdang magbalik sa bansa sa araw na ito at nakatakda siyang tumanggap ng P1 million incentive bonus base sa Republic Act 10699.
Bibigyan din ng PSC ng cash incentive sina Torre at Frayna dahil sa kanilang matagumpay na kampanya sa katatapos lamang na 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Ang 64-anyos na si Torre ay tatanggap ng P100,000 para sa nauwi nitong tansong medalya sa paglalaro sa board three sa Open division habang si Frayna ay may P50,000 matapos na maging kauna-unahang Pilipina na naabot ang WGM at ang panlalaki na International Master.
“It was stated in our law that biennial Olympiad bronze is P100,000 while a Grandmaster title is something new but she (Frayna) will be given P50,000,” sabi ni Ramirez.
Matatandaan na umiskor si Torre ng kabuuang 10 mula sa posibleng 11 puntos sa kanyang itinala na siyam na panalo at dalawang tabla habang si Frayna ay nakamit ang kanyang ikatlo at huling WGM norm sa pagtala ng pito sa posibleng 11 puntos.
Ang tanso ay ikaapat ni Torre matapos unang magwagi noong 1974 Nice Olympiad kung saan tinanghal ito bilang unang grandmaster sa Asia at noong 1980 Malta at 1986 Dubai Olympiad sa Board 1.