Migz & Maya ikinumpara sa tambalang Piolo at Sarah

migz and maya

IN fairness, walang tapon sa mga kantang nakapaloob sa debut self-titled album ng acoustic duo na Migz & Maya under Star Music. May 16 tracks ang nasabing album which includes covers and some original hits.

Kasama sa album ang kantang “Ambon”, ang theme song na ginamit sa pelikulang “How To Be Yours” nina Bea Alonzo at Gerald Anderson at ang rendition nila ng original composition ni Yeng Constantino na “Paano Ba Ang Magmahal” na unang kinata nina Liezel Garcia at Erik Santos noong 2012 at ni-revive naman nina Piolo Pascual at Sarah Geronimo para sa pelikula nilang “The Breakup Playlist” last year.

Sa presscon nina Migz at Maya para sa nasabing album, natanong ang dalaga kung nagkita at nagkausap na sila uli ni Sarah na nakalaban niya noon sa Star For A Night.

“Parang last ko siyang nakita when I was 14 years-old. Ang tagal na. Pero I’m very happy for her right now. Sobrang deserve niya talaga ‘yun kasi alam ko ‘yung pinagdaanan niya from the start,” chika ni Maya o Angeli Flores na naka-base dati sa US bilang member ng Pan-Asian girl group na Blush.

Umuwi siya ng Pilipinas para subukan muli ang swerte niya sa music industry, hanggang sa mapunta nga siya sa PPL talent management ni Perry Lansigan at ipartner siya kay Migz or Miguel Haleco.

At dahil nga sa napakagandang version nila ng “Paano Ba Ang Magmahal”, hindi maiiwasang maikumpara sila kina Piolo at Sarah. Ani Migz, “Para sa akin wala namang comparison parang ako mas gusto ko lang ang style ko.”

“Depende naman kasi yan, eh. Hindi naman sa akin competition eh. Parang sari-sariling style lang talaga and ‘yun lang,” dagdag pa ng binata.

Kung mabibigyan ng tamang exposure at espasyo sa ABS-CBN ang dalawang bagets, siguradong malayung-malayo pa ang mararating ng kanilang musika.

“We are very excited. Sana po ay suportahan nila sobra pong pinagpaguran namin lahat ng ito at sana ay magustuhan nila at ma-enjoy nila, katulad ng pag-enjoy namin sa paggawa ng album,” ani Maya.

Ilan pa sa mapapakinggan sa album nina Migz at Maya ay ang “One More Chance”, “Suntok Sa Buwan”, “Paano Na Kaya”, “Ipagpatawad Mo”, “Lihim”, “Kulang,” “Mahal Ko O Mahal Ako,” “Para Lang Sa ‘Yo,” “Ikaw,” “Baby I Do,” “Hanggang,” “Makita Kang Muli” at ang carrier single nilang “Hibang”.

Migz and Maya’s debut album is now available sa mga record bars at sa on online music stores tulad ng ABS-CBN Store, iTunes, Mymusicstore.com.ph, Amazon.com, OneMusic.ph at Starmusic.ph.

Read more...