GAWING-GAWI na talaga ng maraming Pinoy na sa ultimo-oras ay doon magkukumahog sa kung ano ang dapat nilang gawin.
Ganyang-ganyan ang maraming Pinoy— mula ng nag-aaral pa lamang hanggang sa pagtanda —mula sa paggawa ng assignment, project, pagpapasa ng mga report sa trabaho at pagbibigay ng desisyon — kadalasan ay dead-hit. Laging nagmamadali kapag malapit na ang deadline.
At ‘yan nga ang nasaksihan natin nitong mga nakaraang araw, kung kailan ang deadline ng voters registration nitong Oktubre 31, ay doon nagkukumahog ang maraming mamamayan sa pagpila sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) para makapagparehistro.
Marami ang nayayamot, naiinis, nabubuwisit sa kabagalan ng proseso ng Comelec, sa dami ng tao, sa umano’y mabagal na pagkilos ng mga empleyado ng ahensiya. Sobrang dami ng reklamo na kesyo apat hanggang anim na oras silang pumila para lamang makapagpalista upang sa gayon ay makabilang sa mga makaboboto sa 2010 elections.
Sangkaterba ang maririnig na reklamo. Kaya nga nakikiusap na i-extend ang registration. May narinig pa tayo na isang pagkitil daw sa kanilang karapatan na bumoto ang hindi pag-e-extend ng Comelec sa voters’ registration kahit hanggang sa Disyembre.
Sa ganyang paraan na lang ba natin maipakikilala ang sarili natin? Tunay na Pinoy nga, di ba? Na kung hindi pa ura-orada ay hindi tayo aaksyon. Kung hindi pa deadline, hindi pa tayo pupunta sa Comelec.
Kasalanan nga ba ito ng Comelec? O tayo sa sarili natin ang may pagkukulang?
Oo naman, alam na natin na basang-basa na ang imahe ng Comelec. Sige, sabihin natin na talagang mahina ang kanilang information campaign sa paghihikayat sa mamamayan lalo na sa mga baguhang botante na magparehistro.
Pero, hindi naman yata tama na ipupukol na lang natin ang lahat ng kapalpakan sa Comelec.
Isinisigaw natin na karapatan natin ang bumoto, ito ay basic right ng isang mamamayan ng Pilipinas, at hindi ito dapat balewalain.
Kung ganon ang katwiran natin, bakit hindi natin inalam noon pa man kung hanggang kailan ang registration? Bakit kailangang makipagsiksikan muna tayo para makaabot sa deadline?
Ilang buwan ding nilangaw ang mga Comelec centers at ngayon lang naging blockbuster ito kung ikukumpara sa isang magandang palabas sa sinehan.
Isinisigaw natin na ang pagpaparehistro ay ating karapatan, pero alam ba natin kung ano ang ating obligasyon?
Obligasyon siguro ng bawat mamamayan na alamin kung ano ang tungkulin niya sa pamahalaan. Kung minsan, dapat ay alamin niya muna kung ano ang magagawa niya para sa pamahalaan at hindi kung ano lang ang kayang gawin ng pamahalaan para sa kanya.
BANDERA Editorial, 110309