BANDERA Sports “One on One”: GM Joey Antonio

1 on 1 Sports Joey AntonioBAGO umalis sa bansa nitong Huwebes para sa paglahok sa Asian Indoor Games sa Vietnam ay nagkaroon ng pagkakataon ang Bandera na ma-interview si Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr., ang 12-time
National Open champion at ang una sa tatlong Pinoy na nag-qualify sa darating World Chess Cup sa
Khanty-Mansiyk, Russia. Nag-qualify din sa World Chess Cup sina GM Darwin Laylo at GM Wesley So matapos mag-1-2 finish sa  Asian Zonal Chess Championship sa Vietnam.
Narito ang panayam ni Bandera sports correspondent Marlon Bernardino kay GM Joey Antonio.

BANDERA (B): GM Joey isa ka bang certified Bandera reader?
JOEY ANTONIO (JA): Matagal na akong nagbabasa ng Bandera kasi ang kaibigan kong si Winchell Campos na nasa Amerika na ngayon ay dating Sports editor ng Bandera.
B: Bakit gusto mong basahin ang Bandera?
JA: Maganda kasi ang Bandera, puro current at latest ang news lalo na sa sports page. Pagdating sa chess competition at billiards ay updated.
B: Ano naman ang ginagawa mong paghahanda para sa Asian Indoor Games  at World Chess Cup?
JA: ‘Yung pag review sa database na mga opening ko at paglalaro sa ICC (Internet Chess Club).
B: Nakalaro ka na rin sa World Chess Championships?
JA: Yes. Noong 1999 sa Las Vegas, Nevada, kaso natalo ako sa playoff kay eventual runner-up Russian Super GM Vladimir Akopian.
B: Anong favorite opening mo?
JA: Sa white side ay e4 o King’s Pawn player talaga ako, atakador kasi ako talaga at pag sa black pieces ay Caro Kann Defense at Sicilian Pelican against sa e4 habang Nimzo-Indian Defense naman ako against sa d4 opening.
B: Balita ko late bloomer o huli ka na naglaro ng chess?
JA: Yes, mga past 20 years old na ako nang mag-concentrate talaga ako sa larong chess?
B: Bakit ka nag-concentrate maglaro ng chess?
JA: Gusto ko kasi i-dedicate sa family ko ang tagumpay ko sa paglalaro ng chess at makatulong sa kanila dahil sa chess ay free at scholar ako sa pag-aaral sa University of Manila.
B: Ano pa ba ang plano mo sa career mo sa chess?
JA: Siyempre maabot ko ‘yung 2600 Elo rating o Super GM status.
B: Ano na ba ang current RP Fide rating mo sa chess?
JA: 2557 ako sa RP Fide rating at No. 2 pero sa susunod na rating list ay plus 16.7 ako.
B: Ano naman ang masasabi mo na kinuha kayo ni GM Eugene Torre ng Touch of Gold Enterprises na maging second/trainer ni GM Mark Paragua hinggil sa 1 versus 600: Beat the MARK sa Disyembre 26 to 27 sa Ninoy Aquino Stadium?
JA: Isang malaking karangalan na makuha kami ni Eugene na second/trainer ni Mark, saka dapat talaga natin suportahan ang ganitong proyekto kasi para sa RP chess ito. Isang malaking tagumpay kung malalagpasan natin ang record na 500 opponents na ginawa ni Iranian GM Morteza nitong Agosto para malagay ang Pilipinas sa Guinness Book of World Records. Naniniwala ako pagkatapos ng event na ito ay malaking impact sa society natin, magkakaroon na din sila sa awareness sa chess. Saka historic ang venue, sa Ninoy Aquino Stadium din ginanap ang Inter-Zonal noong dekada ‘90s.
B: Nang hindi ka nakasama sa last Olympiad sa Germany anong ginawa mo?
JA: Alam mo naman Marlon, magkasama tayo sa Amerika, nag-aral talaga ako ng mabuti at malaking

tulong naman kahit papaano ay nanalo din tayo sa Amerika para makapagbigay ng karangalan sa bayan.
B: Sinu-sino ang nakikita mong future sa RP chess?
JA: Dahil na rin sa magandang pamamalakad ni (National Chess Federation of the Philippines president) Cong. Butch Pichay Jr., naniniwala ako na marami pang grandmasters ang mapo-produce sa hinaharap. Nakikita ko maraming mga bata ang may angking talino gaya nina Haridas Pascua, Jan Emmanuel Garcia, Stephen Rome Pangilinan, Matthew Luke de Leon, Giovanni Mejia pati ‘yung mga bata sa Meralco Chess Club.
B: Balita ko coach ka pa rin ng National Paralympic chess team. Ano ang feeling maraming medals na naman nauwi kayo buhat sa Malaysia?
JA: Masayang-masaya ako dahil kahit papaano ay nakatulong tayo sa National Paralympics team natin.
B: Bukod kay Cong. Butch Pichay Jr., sinu-sino pa ang tumutulong sa local at international campaign mo?
JA: Bukod kay Cong. Pichay, nais ko ring magpasalamat kay Philippine Army under Commanding Lt. Gen. Delfin Bangit, kay PSC chair Harry Angping, Atty. Delos Santos ng University of Manila. Bukod kasi sa national athlete player ako ay sarhento rin ako sa Philippine Army under HSSG at dating player ako ng University of Manila nung college days ko.
B: Sa pagtatapos ano ba ang pangarap mo?
JA: Tumataya rin tayo sa Lotto at pag nanalo ako ng malaki, ipamimigay ko sa mahihirap.

Marlon Bernardino, Sports Correspondent

BANDERA, 110309

Read more...