Duterte idiniin sa EJK, pambobomba

LUMUTANG kahapon sa Senado ang isang dating hired killer at idiniin si Pangulong Duterte sa mga pagpatay sa mga umano’y kriminal noong ito’y alkalde pa lamang ng Davao City.

Sa ipagdinig ng Senate committees on justice at public order na pinamumunuan nina Sen. Leila de Lima at Panfilo Lacson na nag-iimbestiga sa umano’y kaso ng extra-judicial killings sa bansa kahapon ay humarap si Edgar Matobato na mahigit dalawang dekada umanong kawani ng Civil Security Unit ng Davao City Hall.
Aniya, maliban doon ay miyembro rin umano siya ng Davao Death Squad (DDS) na noon ay kilala bilang “Lambada Boys.” Giit niya, ang kanilang trabaho ay pumatay ng mga kriminal, partikular ang mga tulak.
Dagdag ni Matobato, ang pulis na si Arthur Lascanas, ang umano’y right hand ni Duterte noon, ang tumayong lider ng DDS.
May code name naman na “Charlie Mike” si Duterte, dagdag niya.
Inamin ni Matobato na mula 1998 hanggang 2013 ay mahigit sa 1,000 na ang kanyang napatay bilang miyembro ng DDS.
De Lima target
Sa isa sa kanyang mga “pasabog” ay ibinunyag na sa utos ni Duterte ay tinangka nilang patayin si de Lima nang ito ay chairman pa laman ng Commission on Human Rights (CHR) nang magtungo ito sa Laud mass grave site. Hindi lamang daw natuloy ang pagpatay dahil nakaalis agad ang grupo ni de Lima.
Matapos naman ang pambobomba sa simbahan sa Davao noong 1993, iniutos din umano ni Duterte na patayin ang mga Muslim. Pinasabog din umano nila ang isang mosque bagaman walang nasugatan dahil walang tao nang kanila itong bombahin.
Noong 2002 ay dinukot din daw nila sa Samal Island ang hinihinalang international terrorist na si Salem Macdum. Matapos i-chop-chop ang katawan nito ay inilibing nila ito sa Laud.
Bukod sa quarry sites sa Laud, dagdag niya, tapunan din ng mga napatay nila ang Gaisano property, kung saan tinatayang 100 ang inilibing. Ang iba naman ay itinatapon sa dagat, aniya.
Isinalaysay rin ng testigo na sila rin ang responsable sa pagpaslang sa apat na tauhan ni dating Davao Rep. Prospero Nograles noong 2010 sa utos umano ni Duterte.
Naganap ito noong kumandidatong alkalde ng lungsod si Nograles laban kay Duterte.
Aniya, dinala nila sa Samal Island ang mga tauhan ni Nograles, binigti, biniyak ang tiyan at nilagyan ng hollow blocks.
Ilan pa sa iniutos daw ni Duterte na patayin ang isang fixer ng Land Transportation Office (LTO), tatlong babae na hinihinalang drug pusher, at pamangkin ng bise alkalde sa Butuan na dinukot at dinala sa Davao para patayin.
Si Duterte rin daw ang nag-utos sa pagpatay sa religious group leader na si Jun Barsabal noong 1993 dahil sa pang-aagaw umano nito ng lupa.
Pagbubunyag pa ni Matubato, si Duterte rin ang nag-utos para patayin ang mamamahayag na si Jun Pala dahil sa mga pagbabanta nito sa noon ay mayor.
Aniya, dalawang pulis at rebel returnees ang pumatay kay Pala at pinalabas lang na kagagawan ng New People’s Army (NPA).
Maging ang pagpatay umano sa dance instructor na kasintahan ng kapatid ni Duterte ay plinano ng Pangulo.
Paolo nadiin din
Ibinunyag din ni Matobato, na utos naman ni Vice Mayor Paolo Duterte ang pagpatay sa negosyanteng si Richard King noong 2014.
Aniya, karibal ng bise alkalde si King sa isang babae. Ito ang may-ari ng Crown Regency Hotel.
Idinagdag niya na bukod sa pagiging smuggler, gumamit din umano ng illegal na droga si Paolo.
‘Sa pagkakaalam ko lang parang gumagamit siya ng droga. Matagal na ‘yun bata pa siya. Minsan nagwawala basta sabog ‘yan,” dagdag niya.
Ginawa ni Matobato ang pahayag kasunod na rin ng pagkuwestiyon ni Sen. Antonio Trillanes IV kung gumagamit ba ng droga si Paolo.
“Opo gumagamit siya pero hindi siya nagtutulak,” sabi pa ng saksi. “Para na silang sadista at parang manok lang ang ginagawang pagpatay sa mga tao sa Davao City na walang kalaban-laban.”
Noong 2013 ay nagpaalam siya kay Lascanas pero hindi ito pumayag.
“Isang linggo akong pinahirapan. Binantaan akong papatayin noong ayoko nang pumatay kaya nagtago ako,” aniya.
Noong 2014 ay sumuko siya sa CHR at isinailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng DOJ subalit umalis ngayong taon nang manalo bilang presidente si Duterte.

Read more...