Nominasyon para sa bagong opisyales ng POC bubuksan sa Oktubre 15

BUBUKSAN ang nominasyon para sa nagnanais na maging opisyales at maupo sa liderato ng pribadong organisasyon sa sports na Philippine Olympic Committee (POC) sa Oktubre 15 hanggang 30.

Ito ang isiniwalat ni Philippine Karatedo Federation (PKF) secretary-general Raymond Lee Reyes patungkol naman sa nalalapit na proseso para sa paghahalal sa mga posibleng datihan o baguhang mamumunong opisyal sa sports sa bansa na isinasagawa kada apat na taon.

“Nomination starts on October 15 up to the 30th,” sabi ni Reyes.

Isasagawa sa huling linggo ng Nobyembre ang eleksyon ng pribadong organisasyon sa sports.

Hindi naman matukoy ni Reyes kung sinu-sino ang mga nagnanais na tumakbo sa alinmang puwesto sa POC mula sa 40 miyembro nitong national sports association na siya lamang may karapatang bumoto.

May anim na associate member at pitong recognized ang POC bagaman wala itong boto.

Una nang nagpahayag ng kanyang pagnanais sa ikatlong termino ang kasalukuyang pangulo ng POC at Equestrian Association of the Philippines (EAP) na si Jose “Peping” Cojuangco Jr. na minsan pa nitong ipinahayag sa pagdalo sa nakaraang Top Level Consultative Meeting at Set-up ng Philippine Sports Institute (PSI).

Kasama ni Cojuangco sa pamunuan ng POC si Triathlon Association (TRAP) president Tomas Carrasco Jr. bilang Chairman;  Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. president Jose Romasanta na 1st Vice President; ang Soft Tennis president na si Antonio Tamayo Jr. bilang 2nd Vice President; Bowling president Stephen Hontiveros na Secretary-General; Wushu secretary-general Julian Camacho bilang Treasurer at Chess president Prospero Pichay Jr. na siya naman Internal Auditor.

Ang board members ay binubuo naman nina Gymnastics president Cynthia Carrion-Norton, Judo president David Carter, Sailing president Ernesto Echauz at Canoe-Kayak-Dragonboat president Jonne Go.

Read more...