SOBRANG sakit para kay Kris Aquino ang hindi pagbibigay ng importansiya sa kanya ng network na pinaglingkuran niya nang dalawang dekada.
Sa isang panahon na ang akala niya’y poste siya ng ABS-CBN ay hindi naman pala. Nu’n niya naramdaman na wala ngang kasiguruhan ang buhay sa showbiz.
At lahat ng artista ay maaaring mawala sa kanilang posisyon, lahat ay maaaring itapon ng network, kahit gaano pa kalaki ang kanyang paniniwala na kabilang siya sa mga tinatawag na pundasyon ng kumpanya.
Napakasakit nu’n para kay Kris. Dalawang dekada siyang nagreyna sa Dos, pero nang magre-renew na siya ng kontrata ay wala naman palang nakaplanong proyekto para sa kanya, meron daw pero walang kasiguruhan ‘yun kung kailan magsisimula.
Sabagay ay maiisip din natin kung paano “pinaglaruan” ni Kris ang ABS-CBN. Bigla na lang siyang umaalis sa programa kapag ayaw muna niyang magtrabaho.
Aalis siya nang walang patumangga at kapag gusto na niyang bumalik ay parang walang nangyari, babalik siya kung kailan niya gusto, napuno na rin siguro sa kanya ang network.
Kahit siguro sa panaginip lang ay hindi inaasahan ni Kris Aquino ang ganitong kapalaran sa kanyang career. Lahat nga ay dispensable. Puwedeng mawala. Maaaring palitan anumang oras ng iba.
Kahit pa ang sinasabing anak ng taong nagbalik sa kanila ng istasyon. Napakasakit nu’n para kay Kris Aquino.