PINAPAALIS na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng special force ng United States (US) sa Mindanao.
“Kaya yung mga special forces, they have to go. They have to go in Mindanao. Maraming mga puti roon. We have to go,” sabi ni Duterte sa kanyang talumpati matapos pangunahan ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng gobyerno.
Nauna nang nagpalitan ng mga pahayag sina Duterte at US President Barack Obama, kung saan minura pa ng una ang huli, na nauwi sa pagkansela ng sa kanilang pagpupulong matapos kapwa dumalo sa Association of Southeast Asian Nation (Asean) Summit sa Laos.
“Kapag nakakita ng Amerikano ‘yan, patayin talaga iyan. Kukunan ng ransom iyan, patayin. Even if you’re a black or a white American, basta American…” dagdag ni Duterte.
Pinagbawalan naman ang mga miyembro ng Malacanang Press Corps (MPC) na i-live ang talumpati ni Duterte, bagamat may ilan na nakalusot at nakapag-live sa kani-kanilang Facebook.