5 carnapper napatay sa Pangasinan

pangasinan map

PATAY ang limang pinaghihinalaang mga carnapper matapos makipagbirilan sa mga pulis sa Urdaneta City, kaninang umaga, ayon kay Pangasinan police director Senior Supt. Ronald Oliver Lee.
Sinabi ni Lee na nakasakay ang mga suspek sa isang nakaw na kotse nang sila ay parahin sa isang check point sa Barangay Nancalobasaan ganap na alas- 2:30 ng umaga.
Idinagdag ni Lee na hinabol ng mga pulis ang kotse kung saan nakipagpalitan ng putok ang mga suspek.
Ani Lee, hindi pa nakikilala ang limang napatay na mga carnapper.
Batay sa mga dokumentong nakuha mula sa ninakaw na kotse, mga miyembro ang mga suspek ng “Rent-Tangay,” isang kriminal na grupo na nagsasagawa ng operasyon sa Metro Manila, Cordillera, Calabarzon at Ilocos region.
Sinabi ni Lee na pinaghihinalaang sangkot ang mga suspek sa pagnanakaw ng mga van na nirerentahan sa Pangasinan, kung saan pinapatay ng mga ito ang mga driver.
Natagpuang patay ang dalawa sa mga driver ng rent-a-van na itinapon sa Manaoag at Binalonan noong isang taon, ayon kay Lee.
Inalerto ang lokal na pulis hinggil sa mga suspek na nagmamaneho papuntang Pangasinan na galing ng Baguio City.
Narekober mula sa kotse ng mga suspek ang apat na caliber .45 pistol, uniporme ng pulis at pinaghihinalaang shabu.

Read more...