Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. FEU vs Adamson
4 p.m. Ateneo vs NU
Team Standings: La Salle (2-0); Adamson (1-0); NU (1-0); Ateneo (1-0); UST (1-1); FEU (0-1); UE (0-2); UP (0-2)
SINOLO ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang liderato matapos nitong sungkitin ang ikalawang sunod na panalo sa pagpapalasap ng ikalawang sunod na kabiguan sa University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 89-71, sa eliminasyon ng 79th UAAP men’s basketball season sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Tanging sa unang yugto lamang nakaramdam ng hamon ang Green Archers matapos magawa ng Fighting Maroons na itabla ang laban sa 13-all bago na tuluyang unti-unting lumayo ang Taft-based dribblers tungo sa pagkapit nito sa solong liderato.
Pinamunuan ni Ben Mbala ang La Salle sa pagtatala ng kabuuang 30 puntos at dinagdagan nito ng 14 rebounds ang La Salle na itinala ang pinakamataas nitong abante sa 22 puntos sa 78-56, may 8:20 pa natitira sa ikaapat na yugto tungo na sa pagpapalasap sa Fighting Maroons sa ikalawang sunod na kamalasan.
Samantala, binigo naman ng season host na University of Santo Tomas Growling Tigers para sa una nitong panalo sa loob ng dalawang laro ang University of the East Red Warriors, 88-87, na nahulog din sa hulihan sa dalawang sunod na kabiguan.
Pilit naman aahon ngayon ang nagtatanggol na kampeong Far Eastern University Tamaraws mula sa kabiguan sa pagsagupa nito sa Adamson University Soaring Falcons sa paghaharap ganap na alas-2 ng hapon habang maghaharap naman sa ikalawang laro ganap na alas-4 ng hapon ang Ateneo de Manila University Blue Eagles at National University Bulldogs.
Asam ng Adamson ang ikalawang sunod na panalo matapos na unang magwagi kontra UP, 104-85, habang isa ang mamantsahan sa pagitan ng Ateneo at NU.
Huling tinalo ng Blue Eagles ang Growling Tigers, 73-69, habang binigo ng Bulldogs ang Red Warriors, 72-66.