AGAD nakapag-uwi ng gintong medalya ang Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) sa pagsabak nito sa ginaganap na International Canoe Federation (ICF) World Dragonboat Championships 2016 mula Setyembre 8 hanggang 11 sa Moscow, Russia.
Hinablot ng pambansang koponan ang ginto sa unang araw ng torneo sa 20-seater senior mixed 500 meters kung saan binigo ang lima pang matitinding koponan sa torneo na kinukunsiderang kasing halaga ng katatapos lamang na 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Itinala ng Pilipinas ang kabuuang 01:55.992 oras upang talunin ang host Russia na may isinumiteng 01:56.075 oras at ang pumangatlo na Thailand na may oras na 01:56.546.
Tumapos naman na ikaapat hanggang ikaanim sa matira-matibay na finals ang Ukraine, Hungary at Germany.
“Despite the cold weather in Russia and the time difference, we were able to win,” sabi lamang ni PCKF national head coach Lenlen Escollante sa panalo.
Nakatakda pang lumahok sa sprint at long distance event sa dragonboat ang koponan Sabado at Linggo.