Trapik: Nasa utak lang ‘yan

(Editor: Simula ngayon ay mababasa na ang kolum na Talyer. Tuwin Biyernes ang labas nito na tatalakay sa iba’t ibang isyu na may kinalaman sa lansangan, pagmamaneho, at mga problema ng mga hari ng kalye.)

KAMAKAILAN ay sinabi ni Transportation Secretary Art Tugade na ang nakakapikon na trapik na nararanasan sa Kalakhang Maynila ay nasa utak lang umano ng mga motorista.

Medyo napa-iling ako sa tinuran ng butihing kalihim dahil pisikal na pagdurusa ang nararanasan ng mga pasahero at motorista sa tuwing yayapak sa mga lansangan ng Metro Manila gaya ng EDSA.

Papaano ito naging “nasa isip lang natin?”

Pero nang basahin kong mabuti ang sinabi ni Tugade, medyo napa-ayon ako. Trapik ang ginagawang dahilan bilang palusot kapag late sa trabaho, meeting o sa mga lakad. Madaling sabihin dahil lahat ay nakararanas nito.

Aaminin ko, dahilan ko rin iyan minsan kapag nahuhuli ako sa mga pagtitipon, kahit alam kong kasalanan ko naman. Trapik pa rin ang pagbibintangan.

“State of Mind”, sabi ni Tugade.

Kabilang sa “state of mind” ay ang pag-uugali. May masamang ugali ang mga Pilipino pag nagmamaneho. Walang disiplina at chaotic sila sa lansangan. Laging nagmamadali, ayaw magbigay at mahilig sumingit para maka-una.

Huwag natin ituro ang iba. Lahat tayo ay ganito ang ugali, lalo na kapag nagmamadali o naiipit sa trapik.

Susugod sa intersection sa red light at haharangan ang patawid na trapiko. Bibilisan ang takbo pag umilaw ang signal light ng katabing jeep o kotse para lumipat ng linya. Palipat-lipat ng linya sa trapik kahit diretso naman ang pupuntahan. Ginagamit nating parking ang lansangan, hanggang sa wala nang makadaan dito.

Totoo ang sinabi ni Tugade. May problema tayo sa pagiisip kapag tayo ang nasa likod ng manibela.

Mukhang kailangan natin ayusin ito bago natin maaayos ang sobrang tinding trapik. Dahil kabilang sa mga aspeto ng “Road Traffic Elements” ay ang kalye (engineering), sasakyan (motor vehicles), at drayber (motorists).

Kahit anong dami ng kalye at husay ng saksakyan, kung barubal ang drayber, sinisiguro ko sa inyo trapik pa din ang kalalabasan niyan.

Siyempre, importante din na ipaalala kay Tugade, na ang pinaka-rurok ng disiplina ay ang “enforcement” ng mga batas trapiko na mukhang hindi na ginagampanan, o hindi alam gampanan, ng ating mga traffic managers.

Dahil sa napakahabang panahon, mas interes ng mga traffic enforcers ang manghuli at kumita, imbes na tulungan ayusin ang problema.

Para sa komento, tanong, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09163025071, o kaya ay mag-email sa inquirerbandera2016
@gamil.com

Read more...