MAHIGIT 20 taon nang nasa Saudi Arabia si Pablo. Ngunit sa buong panahon nang kaniyang pag-aabroad, matagal itong hindi nagparamdam sa kanyang pamilya.
Ilang buwan lamang itong nakapagpadala ng pera sa Pilipinas. At pagkatapos noon ay para itong bulang bigla na lamang naglaho.
Dahil dito, solong iginapang ng kanyang misis ang buong pamilya.
Palibhasa’y wala nang dumadating na remittance mula sa asawa, kung kaya’t namasukan ito bilang kasambahay.
Hindi sapat ang kita, naglako rin siya ng sari-saring mga paninda, naglalabada at kung anu-ano pang trabaho upang masuportahan nito ang pangangailangan ng mga anak.
Wala mang mister na nagpaparamdam sa haba ng panahon, sa puso ni misis, patuloy pa rin siyang naghihintay at umaasa na buhay pa ang kaniyang asawa at babalik ito sa kanila.
Sa hinaba-haba ng panahon, nakapag-asawa na ang kanilang tatlong anak, pero wala pa rin ang mister na si Pablo. Hindi pa rin ito nagpapakita sa kanila.
Wala siyang nadaluhan na kahit anumang mahahalagang okasyon ng kaniyang pamilya.
Ngayong may mga apo na siya, wala ring lolo silang nakikilala. Sa awa na rin sa pamilya, isa sa mga manugang ni Pablo ang nakipag-ugnayan sa Bantay OCW.
Hiling niya na sana’y mahanap ang kaniyang biyenan na mahigit na ‘anyang 20 taong walang komunikasyon sa kaniyang pamilya.
Katulad ng dati, ginawa ng Bantay OCW ang lahat upang hanapin ang sinasabing OFW. Sinimulan naming alamin sa Bureau of Immigration kung may nakabalik na bang OFW na tumutugon sa kaniyang pangalan. Wala raw.
Inalam din natin sa Overseas Workers Welfare Administration kung mayroong record sa kanila. Wala rin ‘anya.
Inireport din namin iyon sa ating embahada at ikinalat nila ang impormasyong hinahanap ‘anya ng kaniyang pamilya sa Pilipinas ang naturang OFW. Nakipagtulungan din ang ilang mga organisasyon doon.
Ngunit may record ang Social Security System na nag-loan pa ‘anya si Pablo sa kanilang tanggapan may 10 taon na ang nakararaan. Iyon na lamang ang pinanghawakan ng pamilya na hindi nawawala at buhay pa nga si Pablo.
Isang araw, gulat na gulat ang pamilya nang makatanggap sila ng tawag mula kay Pablo. Humihingi ito ng paumanhin na hindi na nagparamdam sa pamilya dahil nawalan ‘anya siya ng trabaho doon.
Sa unang tatlong buwan muling nagpadala si Pablo ngunit huminto na naman ito at hindi na naman muling nakipag-ugnayan sa kanila hanggang ngayon.
Tumawag naman ang isang nagpakilalang kaibigan ni Pablo at sinabi niyang may sariling pamilya na ‘anya ito sa Saudi at sadyang pilit nitong kinalimutan na may naiwan siyang pamilya sa Pilipinas. May kinakasama at tatlong anak siya roon.
Masakit man at mahirap tanggapin ang katotohanan, ngunit patuloy pa ring umaasa si misis na babalik pa rin si mister sa kaniya at handa pa rin niyang patawarin at tanggapin ito.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali; audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com