Sikat na male star lasing na lasing, sumuka sa loob ng taxi

BLIND ITEM MALE2 0316

PINAGPIPISTAHAN ng mga piloto ng taxi ang isang aktor na sa sobrang kalanguan ay literal na nagkalat sa sasakyan ng kanilang kasamahan. Napasarap ang pag-inom ng aktor, mukhang tinamaan, kaya hindi na siya makapagmaneho pauwi.

Magaling ang nasabing aktor, mahusay siya sa drama, simple lang siyang pumorma at maraming nanay ang nagkakagusto sa kanya.

Galing sa isang bar ang aktor, pangku-pangko siya ng mga bouncers, halos pakaladkad na siyang lumakad dahil hindi naman pala sanay ang kanyang lalamunan na nasasayaran ng inuming nakapagpapadulas ng dila at nagpapakapal ng mukha.

Kuwento ng aming source, “Siyempre, excited ang taxi driver na maisakay ang kilalang aktor na katulad niya, di ba? E, napapanood ba naman siya sa mga serye sa TV, kaya siyempre, isa sa mga plano ng piloto, e, ang makapag-selfie sa kanya!

“Kaso, plakda na si ____ (pangalan ng magaling na dramatic actor) nu’ng isakay ng mga bouncer, parang hindi na halos siya makapagsalita, kaya hirap na hirap ang taxi driver sa pakikipag-usap sa kanya.

“Nu’ng tanungin siya ng piloto kung saan siya nakatira, ang sagot niya, ‘Sa bahay!’ Nang usisain ng driver ang address niya, ang sagot ng magaling na aktor, ‘Basta, may number!’

“Hindi siya maintindihan ng driver, wala siya sa tamang huwisyo, mukhang nasusuka pa ang magaling na aktor. Nagdesisyon ang driver na pumarada muna sa isang gasolinahan.

“Binigyan niya ng supot na susukahan ang magaling na aktor na talagang naglabas ng lahat ng kinain niyang pulutan. Nang mahimasmasan ang male personality, e, panay-panay ang pagso-sorry niya sa driver, pasensiya na raw, dahil hindi naman siya manginginom.

“Ibinigay niya ang dapat na kitain ng driver sa araw na ‘yun, tuwang-tuwa ang driver, nu’n na niya ginawa ang pakikipag-selfie sa aktor na mabait pala at mapagpakumbaba.

“Naku, Bradly Guevarra, madaling hulaan kung sino ang aktor na ito, Pinoy na Pinoy ang name niya, dahil isa siyang alagad ni Juan dela Cruz!” pagtatapos ng aming impormante.

Read more...