Ayuda sa OFW di lang sa Disyembre

MADALAS tuwing Disyembre isinasagawa ang pagsalubong ng pangulo ng bansa sa ating mga overseas Filipino workers.

Kaya naman kakaiba ang pagsalubong na ginawa ni Pangulong Duterte noong isang linggo nang dumating ang may 129 OFW mula sa Saudi Arabia.

Ramdam iyon ng ating mga OFW. Personal silang sinalubong ng pangulo, kinausap, binigyan ng pag-asang kahit papaano may programa ang pamahalaan na pansamantalang tutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Nakiusap pa siyang bigyan ng ilang panahon para maayos niya ang bayan at kanilang kabuhayan para di na sila umalis pa ng bansa at sa ibang lugar magtrabaho.

Pero, kung talagang walang-wala na raw ang ating OFW, bukas daw ang Malacanang at katukin lamang siya at tutulungan niya ang mga ito.

Umani ng samu’t-saring reaksyon ang mga naging pahayag ng pangulo. Hindi kasi iyon ang madalas nilang naririnig sa mga naging pangulo ng bansa.

Dama nilang tulad ng isang mabuting ama, mayroong handang kumalinga sa kanila na may puso at tunay na malasakit sa kapwa. Alam nilang hindi kailangan ni Duterte na kunin pa ang kanilang simpatiya sa mga panahong ito. Tapos na ang eleksyon at naihalal na siya ng taumbayan. Sadya nga lamang talagang kakaiba ang pangulong nakakaharap ng ating mga OFW sa ngayon.

Matatandaang nauna nang nagpadala ng ayudang P500 milyon si Pangulong Duterte sa Saudi Arabia at dinala mismo ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Naipamahagi ang halagang inilaan habang nasa Saudi Arabia pa lamang ang stranded nating mga OFW at tumanggap din ng cash assistance ang kanilang mga kapamilya sa bansa.

Pinasimple at pinabilis din ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang proseso ng pamamahagi nito.

Ayon nga kay OWWA Administrator Rebecca Calzado wala nang masyadong mga requirements na hihilingin ang OWWA kundi tanging patunay lamang na kamag-anak nga nila ang kapamilyang nasa Saudi Arabia.

Walang pinipiling panahon ang pagpapakita ng malasakit sa kapwa. Ito ang nais patunayan ng Duterte administration sa ating mga OFW. Kung ano ang alam nilang praktikal at magpapagaan sa kalagayan ng ating mga kababayan, agad-agad nilang ginagawa iyon.

Patuloy na umaasa ang ating mga OFW sa sunod-sunod pang mga reporma at programa ng ating pamahalaan ang nakalaan para sa kanilang mga kapakanan at proteksyon.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...