HINDI na kailangang kumuha ng overseas employment certificate (OEC) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na babalik sa parehong employer at bansang pinagtatrabahuhan.
Magsisimula itong ipatupad sa September 15,2016
Ipinalabas ng POEA Board ang Resolution No.12 bilang pagsunod sa direktiba ni Presidente Duterte na ayusin ang proseso sa pagpapadala ng OFWs sa ibang bansa para sa mas maayos at mabilis na transaksiyon sa mga opisina ng pamahalaan.
Sa pagpapatupad ngayon ng POEA ang Balik-Manggagawa Online Processing System, mababawasan ang mahabang pila .
Ngunit nangangailangan pa ng karagdagang pagsasaayos ng sistema para sa mga manggagawang babalik sa parehong employer at bansang pinagtatrabahuhan.
Nakasaad sa POEA Governing Board Resolution No. 12, series of 2016, na ang OFW Balik-Manggagawa o ang manggagawang babalik sa parehong employer o bansang pinagtatrabahuhan ay kinakailangang mag-rehistro sa bmonline.ph bago sila umalis ng bansa, para sa mga impormasyong personal at ng kanilang trabaho upang malaman kung hindi nga nila kailangang kumuha ng OEC.
Ang updated profile ng manggagawa ay ipadadala sa Bureau of Immigration, na magsisilbing patunay na maaari siyang lumabas ng bansa ng hindi kinakailangang magbayad ng processing fee.
Ang mga manggagawa ay hindi na kinakailangang kumuha ng OEC sa panahon ng kanilang pagrehistro ay dapat magtakda ng appointment sa alinmang opisina ng POEA o processing center.
Ang manggagawa na dumiretso sa airport ng hindi muna nagrehistro sa BM Online System ay isasangguni ng Bureau of Immigration sa Labor Assistance Counter (LAC) ng POEA upang alamin kung sila ay maaaring umalis ng bansa o kinakailangang kompletuhin muna ang kanilang dokumento bago bumiyahe.
Administrator Hans Leo Cacdac
POEA