Obama kinansela na ang pulong kay Duterte matapos murahin ng huli

Obama-Duterte

INIHAYAG ng White House na kinansela na ni US President Barack Obama ang nakatakda sanang pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Laos ngayong araw kung saan sila kapwa dumadalo sa Association of Southeast Asian Nation (Asean) Summit matapos namang makatikim ng mura sa huli.
Inihayag ni US National Security Council spokesman Ned Price na imbes na kay Duterte, kay South Korean Presidente Park Geun-hye na lamang makikipag-usap si Obama.
“President Obama will not be holding a bilateral meeting with President Duterte of the Philippines this afternoon,” sabi ni Price.
Bago umalis papuntang Laos, minura ni Duterte si Obama sa harap naman ng kritisismong natatanggap ng una kaugnay ng mga pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.
“Putang ina I will swear at you in that forum,” sabi ni Duterte bago tumulak papuntang Laos noong Lunes.
Plano ni Obama na talakayin ang isyu ng human rights kay Duterte sa kanilang naudlot na pag-uusap.

Read more...