Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
12 n.n. LPU vs Arellano
2 p.m. San Beda vs JRU
4 p.m. Perpetual Help vs Letran
Team Standings: San Beda (11-3); Perpetual Help (10-3); Arellano (10-3); Mapua (8-5); JRU (8-6); Letran (7-7); EAC (5-9); Lyceum (5-9); San Sebastian (5-10); St. Benilde (0-14)
MAGPAPAKATATAG ang San Beda College Red Lions para sa unang silya ng Final Four sa pagharap nito sa Jose Rizal University Heavy Bombers habang tutok din sa liderato ang University of the Perpetual Help Altas at Arellano University Chiefs sa tatlong matinding salpukan ngayon sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Unang sasagupa ang Arellano kontra Lyceum of the Philippines University Pirates ganap na alas-12 ng tanghali bago sundan ng salpukan ng SBC Red Lions at JRU Heavy Bombers sa ganap na alas-2 ng hapon. Huling laro ang Perpetual Help Altas kontra sa nagtatanggol na kampeong Letran Knights alas-4 ng hapon.
Nabigong makuha ng Red Lions ang ika-12 sana nilang panalo noong Biyernes nang yumukod sila kontra Mapua Institute of Technology Cardinals, 97-101, sa overtime. Gayunman, susubok muli ang koponan na maipasok ang isang paa sa semis sa pagsagupa sa Heavy Bombers.
Matatandaang ipinalasap ng JRU sa San Beda ang una nitong kabiguan sa torneyo nang magwagi ito, 79-73, sa unang round noong Agosto 9.
Inaasahan din na muling mahihirapan ang Red Lions dahil hindi nito makakasama si Donald Tankoua sa ikalimang sunod na laro matapos na ang Cameroonian ay magtamo ng season-ending right ACL (anterior cruciate ligament) injury.
Nabigo rin ang San Beda ng dalawa sa apat nitong laban na hindi kasama si Tankoua.
“We have to step up as a team and not just rely on one, two or three players,” sabi ni San Beda coach Jamike Jarin.
“San Beda is still a strong team but we’ll try to take advantage of that hole inside,” sabi naman ni JRU mentor Vergel Meneses, na inaasahang itutulak ang Heavy Bombers na samantalahin ang kahinaan ng kalaban sa pagsabak nina Abdel Poutouochi at AbdulRazak AbdulWahab.
Nakatuon naman ang Perpetual Help at Arellano, na tabla sa ikalawang puwesto sa parehas na 10-3 panalo-talo kartada, na abot kamay ang San Beda. Sasagupain ng Altas ang Pirates bitbit ang posibilidad na makatabla sa liderato habang gayundin ang Chiefs sa pagharap sa defending champion Knights.
Sariwa pa ang Altas sa 92-76 panalo kontra Chiefs sa huli nitong laban.