PINABAGSAK ng Philippine men’s team ang nakatapat nitong Nigeria, 3-1, upang makabalik ang tsansa sa korona habang naudlot naman ang PH women’s squad sa India sa paglasap sa 0.5-3.5 kabiguan sa ikatlong round ng ginaganap na 42nd World Chess Olympiad Linggo ng gabi sa Baku, Azerbaijan.
Kinumpleto ni Grandmaster Eugene Torre (Elo 2447) sa kanyang 45-move na panalo kontra Fide Master Daniel Anwuli (Elo 2336) sa Board 2 ang pagselyo ng panalo ng mga Pilipino woodpushers na nagtulak din sa koponan tungo sa gitna ng labanan na kasalo sa top 30 na may apat na match points.
Nagwagi rin si GM John Paul Gomez (Elo 2492) sa Board 1 kontra FM Bomo Kigigha (Elo 2340) gayundin si Rogelio Barcenilla, Jr. laban kay International Master Oladapo Adu (Elo 2334) sa Board 3.
Posible pang umangat sa standings ang koponan, na nakabalikwas sa kabiguan kontra sa Paraguay sa ikalawang round kung magagawa nitong biguin ang susunod na makakaharap na 70th seed at may natipong 7.0 puntos na Costa Rica sa ikaapat na round.
Una munang nagulat ang mga Pinoy matapos na mabigo si IM Paulo Bersamina (Elo 2408) kay Candidate Master Adeyinka Adesina (Elo 2259) sa Board 4 matapos magtamo ng opening game blunder.
Gayunman, agad nasalo nina Gomez, Barcenilla at Torre ang kabiguan ni Bersamina sa pagpapalasap ng kabiguan sa kanilang mga nakatapat na kalaban.
Hindi naman sinuwerte sa ikatlong round ang PH women’s team matapos makalasap ng kabiguan sina Woman International Master Jan Jodilyn Fronda (Elo 2128), Christy Lamiel Bernales (Elo 2065) at WIM Catherine Secopito (Elo 2119).
Nabigo si Fronda kay IM Rout Padmini (Elo 2408), si Bernales kay IM Sachdev Tania (Elo 2402) at si Secopito kay WGM Swaminathan Soumya (Elo 2402) upang malasap ang unang kabiguan.
Tanging ang WGM candidate na si WIM Janelle Mae Frayna (Elo 2281) ang nakatakas ng draw kontra GM Dronavalli Harika kahit na naagawan ng pawn sa middle game.
Ang kabiguan ay bahagyang tumabon sa matinding upset sa torneo matapos talunin ng Pilipinas ang naging 4-time champion at 4th na seed na Georgia, 2.5-1.5, sa 11-round na torneo.
Inokupahan ng 46th seed na Philippine Women’s Team ang ika-40 puwesto na may natipon lamang na kabuuang 7 puntos at sunod na makakaharap ang seeded No. 4o na Canada na may natipong 8.0 puntos.