NAPAPANSIN kong maraming mga sinasabi si Pangulong Duterte na sa bandang huli ay iwinawasto naman o binabago ng kanyang mga Cabinet members. Sinasadya kaya ito o nagkakataon lamang?
Tulad na lang nitong sa coverage ng “state of lawless violence” o “lawlessness” na una ang sabi ni Digong ay sa buong bansa. Sabi naman ng kanyang Presidential Assistant na si Bong Go, sa Mindanao lang. Iba naman ang sabi ni Spokesman Ernie Abella, buong bansa, habang sabi naman ni Defense Sec. Lorenzana, Mindanao lang.
Iba naman ang hirit ni Communications Sec. Martin Andanar, na kesyo hindi pa raw nagdedeklara ng State of Lawlessness noong umaga ng Sabado.
Pero nitong Linggo, sabi ni Presidential legal counsel Panelo, nationwide ang scope nito.
Pagkatapos bumalik si Abella at sinabing nationwide na ang sakop nito.
Pinulong ni Digong ang kanyang Gabinete kasama si PNP Chief Bato de la Rosa para pag-
usapan ang mga isyu. Malamang dinesisyunan na rin ang “state of confusion” kahapon sa “state of lawless violence.”
Maraming nang napapansin ang pabagu-bagong pahayag ng pangulo sa mga isyu na sa dakong huli ay kinaklaro ng kanyang mga Gabinete.
Nariyan ang pagdoble ng sahod ng pulis at militar, ang pagtanggal sa mga Presidential appointees nang agad-agad, ang pagkambyo sa isyu ng e-games, at marami pang iba.
Baka dumating ang araw ay di na siya paniniwalaan ng tao kung totoo nga ang kanyang sinasabi o at ng kanyang Gabinete.
***
Alin ba ang tama, “State of lawlessness ” o “State of Lawless Violence” na parehong ginagamit ngayon.
Iba-iba ang paliwanag ng mga legal experts at di malaman kung alin ang tama. Siyempre, Korte Suprema lamang ang magpapasya sa legalidad nito kung merong petisyon na isasampa tungkol dito.
Isa pang tanong, pareho ba ang kahulugan ng “State of Lawlessness” sa “State of lawless violence” na nakapaloob sa Konstitusyon? Nadulas lang kaya si Digong sa State of lawlessness o ito’y malalim niyang imbensyon? Naalala ko kasi ang imbensyong “complex crime of rebellion” noon ni Tita Cory at Drilon para ikulong si Enrile na sa dakong huli ay ibinasura ng Korte Suprema.
Kunsabagay, dalawang banta ang hinaharap ng bansa ngayon, ang gera laban sa ilegal na droga na sangkot pati mga corrupt na pulis at ang terorismo ng Abu Sayaff. At dito, target mismo si Presidente at ang kanyang Davao City.
Pero, para lamang maikumpara ninyo, noong April 2, 2003, may dalawang pagsabog sa Davao —sa Bangoy airport at Sasa wharf —kung saan 38 ang namatay at daan-daan ang nasugatan. Noon ay mayor ng Davao si Pres. Duterte, pero ang idineklara ni PGMA ay “state of emergency” para sa Davao City lamang.
At siyempre, tanong natin, mas malala ang sitwasyon noong 2003 sa Davao City, bakit “nationwide” ang deklarasyon ngayon ni Digong?
Konektado kaya rito ang NBI operation nito lamang August 26 sa Rosario heights 3, Cotabato City kung saan muntik na nilang mahuli si Abdul Menap Mentang, suspect sa 2003 Davao bombing? Si Mentang ay miyembro ng gunrunning syndicate at gumagawa ng mga “improvised explosive device”. Nakatakas ito sa NBI dragnet at matapos ang isang linggo ay naganap ang panibagong pagpapasabog gamit ang isang IED.
‘State of confusion’ sa Gabinete
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...