DALAWANG dekada nang tumutulong-sumusuporta ngayon ang MARE Foundation sa mga kababayan nating salat sa buhay. Ang foundation na ito na itinatag ni Pangulong-Mayor Joseph Estrada nu’ng taong 1996 ang walang sawang umaayuda sa mga pamilyang Pilipinong walang kakayahang magpagamot ang hindi bumibitiw sa kanilang pangako na pagtulong sa mga walang-wala sa buhay.
Si dating Senadora Loi Ejercito ang namahala sa MARE Foundation, kasama ang iba pang mga opisyales ng foundation ay halos naikot na nila ang buong Pilipinas para sa pagbibigay ng tulong pangkabuhayan, scholarship, medical mission at ang MARE Foundation din ang nagbibigay ng referral sa mga kababayan nating hindi makapagpaospital dahil sa kawalan ng pambayad.
Nang maupo nang mayor ng lunsod ng Maynila si Pangulong-Mayor Joseph Estrada ay tumutok ang MARE Foundation sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Manileno.
Regular ang kanilang feeding program para sa mga pampublikong paaralan ng Maynila, tuluy-tuloy pa rin ang kanilang medical mission, napakalaking tulong din para sa mga nasasakupan ni Pangulong-Mayor Erap ang mga livelihood program na pinamumunuan ng MARE Foundation.
Sa darating na September 7, sa mismong kaarawan ni Jackie Ejercito, ay isasalin na ni Senadora Loi ang pamamahala ng MARE Foundation sa kanyang anak. Libu-libong miyembro ng MARE Foundation ang inaasahang magsasama-sama sa gaganaping panunumpa ng mga bagong opisyales at board of trustees ng foundation.
Tahimik lang si Jackie Ejercito, para sa mas nakararami ay meron siyang imahe ng pagkamahiyain, pero napakalaki ng nagagawa niya para sa patuloy na pagseserbisyo ng MARE Foundation para sa mga kapuspalad nating kababayan.
Siya na ngayon ang magiging chairman ng MARE Foundation, isasalin na sa kanya ni Senadora Loi ang korona ng pagtulong sa ating mga kababayan, isang malaking paghamon na alam na alam naming magagampanan nang isandaang porsiyento ni Jackie Ejercito.