NAARESTO ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang katao na sangkot sa pag-iismuggle ng P4.5 milyong halaga ng mga bahagi ng baril sa Bacolod City, na umano’y gagamitin sa tangkang pagpatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang paress conference sa Camp Crame, iprinisinta ni Philippine National Police chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang isa sa mga nahuling suspek na si Wilford Palma, na nagsabi na bumili sila ng mga bahagi ng baril, na kung saan makakabuo ng mahigit 100 M-16 rifles para sa isang kliyente.
“He will use the guns to assassinate President Duterte,” sabi ni dela Rosa.
Tumanggi namang isapubliko ni dela Rosa ang pangalan ng umano’y kliyente.
“They sold more than 100 upper receivers, 40 barrels, 30 bolt assemblies to the client,” ayon pa kay dela Rosa.
Nasa ospital ang sinasabing boss ni Palma na si Bryan Ta-ala, bagamat nasa kustodiya ng pulis.
“Most likely hindi siguro siya gun-for-hire. Baka inutusan siya ng sindikato na bilhin para gamitin for that purpose,” ayon pa kay dela Rosa.
Naaresto ang dalawa ng mga operatiba ng CIDG matapos ang isinagawang operasyon sa Villa Cristina Subdivision, Barangay Tangub noong Agosto 6.
Idinagdag ni CIDG director Chief Supt. Roel Obusan na gumamit ng pekeng pangalan at pekeng dokumento ang mga suspek sa pagkuha ng mga kontrabando mula sa US.
Sinabi pa ni Obusan na nakikipagtransaksyon sina Ta-ala at Palma gamit ang Facebook group na “Pinoy Pistol Forum.”
Sinabi pa ni dela Rosa na mismong ang US Homeland Security, na siyang nagmo-monitor ng mga transaksyon ni Ta-ala, ang siyang nagbigay ng impormasyon sa Bureau of Customs at CIDG.
“Sa US, kapag ganito karami ang bibilihin, that’s already questionable procurement. Lalo na masyado silang nagbabantay sa terrorism,” dagdag ni dela Rosa.
Nagbanta naman si dela Rosa sa mga kliyente ng grupo ni Ta-ala.
“Surrender nila ‘yung nabili nila kung talagang honest victim lang sila. Biktima naman sila dahil binentahan sila ng contraband,” sabi ni dela Rosa.