Daniel kay Kathryn: 5 taon na kami at patigas pa rin kami ng patigas!

kathryn bernardo at daniel padilla

HINDI itinanggi nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na ilang beses silang napapagalitan ni Direk Olive Lamasan sa shooting ng pelikulang “Barcelona” dahil nakakailang take sila bago ma-perfect ang isang eksena.

Pagkatapos ng grand presscon ng “Barcelona A Love Untold” ay nakatsikahan namin ang KathNiel at inamin nga nilang maraming beses silang nagkakamali sa mga eksenang kinunan sa Spain pero never daw sumama ang loob nila kay Inang Olive.

“Pareho kami ni Kath, may kahinaan ako, may kahinaan din siya, oo napapagalitan kami kasi si Inang naman may dahilan talaga siya kapag nagalit at alam mong mali ka kaya wala kang karapatang magsabi talaga ng kahit ano kasi mali ka at si Inang kasi is very professional. At kapag dumating ka sa set, be professional, be ready,” paliwanag ni Daniel.

Sobrang thankful nga raw ang KathNiel dahil sa edad ni direk Olive na 52 ay grabe pa rin ang energy nito.

“Inang is 52, di ba? Araw-araw kaming nagpupuyat and still ‘yung energy niya nandoon pa rin, hindi siya bumabagsak, kapag may break ay kailangan niyang magpahinga, pero kapag take na, hindi bumabagsak ang energy niya, wala na kaming masabi kundi ‘salamat Inang at ginawa mo pa rin itong pelikula namin, binigyan mo pa rin kami ng touch mo.’ The magic touch of Inang,” kuwento ni DJ.

Ano ang natutunan nila kay direk Olive habang ginagawa ang “Barcelona”? “Siguro ‘yung lagi ka dapat gutom sa craft mo, hungry ka lagi sa craft mo at never kang tatamarin dahil pag tinamad ka, wala na. ‘Yun ang laging sinasabi,” sagot ni Daniel.

Sey naman ni Kath, “Ako naman ‘yung pagiging totoo sa emosyon, hindi ‘yung iaarte mo lang ‘yung emosyon kasi kung pupunta ka sa deeper level mas magiging mas totoo pag napanood ng tao, mas makaka-relate sila at walang makakatalo ro’n pag pinakita mo ‘yung totoong emosyon. Hindi siya madaling makuha, pero once na nakuha mon a, mas mararamdaman mo rin na tama.” Umabot na sa limang taon ang KathNiel loveteam at ni minsan ay walang nakasingit o hindi sila nai-partner sa iba kaya ano ang dapat nilang ipagpasalamat at hindi nila malilimutan as partners.

“Siguro ‘yung hanggang ngayon na narito kami para sa isa’t isa sa five years na ‘yun, solid pa rin kami at walang makakasira no’n,” esplina ni Kathryn.

“Siguro ‘yun din, five years na samahan namin, habangbuhay na pagsasama namin, kundi ang mismong KathNiel. Imagine, limang taon at hanggang ngayon, patigas pa rin kami ng patigas.

“Alam mo ‘yun maraming salamat sa lahat ng tao at kay Kathryn dahil ang galing, eh, limang taon at wala kaming hinahanap na sinuman, masaya lang kami,” pahayag naman ni Daniel.

q q q

Sa tanong kung ano na ba talaga ang estado ng relasyon nila ngayon dahil hindi pa rin nila binibigyan ng label ang kanilang partnership? “Di ko masasabing kami, pero ganu’n na rin ang dating siguro, puwede na ba sa inyo ang sagot na ‘yun?” nakangiting sagot ng aktor sabay titig sa amin.

Ano naman ang reaksyon ni Kathryn sa indirect na pag-amin ni Daniel na parang sila na nga? “Ganu’n naman na, kahit hindi namin sabihin, parang naiintindihan na ng mga tao at respeto nila sa amin dalawa na hindi na magtanong. Si DJ kasi will always have a special place in my heart,” sabi ng Kathryn.

Samantala, napansin ng lahat na habang on-going ang Q & A presscon ng “Barcelona” ay nakahawak lagi si Daniel sa tuhod at hita ni Kathryn bilang pagprotekta nito sa dalaga dahil baka masilipan.

Sabi ni Kath, “As a woman masarap ‘yung pakiramdam na may nag-aalaga sa ‘yo, feeling protected ka kapag nandiyan si DJ, nararamdaman ko. And hindi kasi lahat ng lalaki ganu’n. Ang konti na lang ng natitirang ganu’n na lalaki and I’m very happy kasi si DJ nakikita ng mga kabataang lalaki na dapat respetuhin nila ang babae para makuha mo rin ang respeto ng babae.”

Samantala, ibang level na ng maturity ng KathNiel ang mapapanood sa “Barcelona” kaya tinanong ang dalawang bida kung ano ang mae-expect ng moviegoers sa kanila, “I think sa KathNiel fans, magugulat sila kasi maninibago sila sa amin ni Kathryn, kasi ang layo sa mga nagawa na namin.

“Ibang-iba ito sa ‘Crazy Beautiful You’, sa ‘She’s Dating A Gangster’, ang layo na nu’ng characters naming doon, pati nga paglalakad ni Kathryn talagang binantayan ni Inang, pati posture, talagang mabibigla ang mga manonood,” sabi ng aktor.

At tungkol sa kissing scene ay indirect ding inamin na mayroon na hindi pa nila nagawa sa ibang pelikula nila. “Siguro ito na ‘yung movie na maibabalik namin sa five years na suporta sa amin ng fans. Ito na siguro ‘yung regalo namin sa kanila,” pabiting sabi ni Daniel.

Read more...