Editorial: Dalawang katauhan ni ‘Bato’

SA ilang nagdaang mga hepe ng Philippine National Police, tila ang kasalukuyang Chief PNP na si Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang siyang nakahuli sa kiliti ng publiko.
Kung tutuusin isa siyang celebrity dahil sa dami nang humahanga sa kanya. Sa bawat television guesting niya, walang hindi natutuwa at natatawa sa kanya; maging sa mga pagbisita niya sa mga barangay, para siyang artista na hinahabol at gustong makamayan, at maka-selfie.
Oo, kakaiba nga ang hepe ng PNP ngayon kumpara sa mga nagdaang pinuno ng Pambansang Pulisya na matagal nang hindi kanais-nais ang imahe at maya’t maya na lang ay nasa sentro rin ng kontrobersya. Nariyan na kung hindi man mga iregularidad sa kontrata, ang mga opisyal at mga miyembro ng PNP ay nasasangkot sa mga krimen, at ngayon sa walang humpay na patayan dala ng inilunsad na gera laban sa ilegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si “Bato” ngayon ang nakikita ng marami na siyang nagtutulay sa pagitan ng publiko at ng Pambansang Pulisya na dapat ay nagbibigay sa una ng seguridad at proteksyon. Siya na nga sana marahil ang PNP chief ng masa; ang makauunawa sa kanila at kanilang matatakbuhan.
Sana nga lang, sana…
Pero sa ilang mga nakatutuwang ginagawa ni Bato para mapaigi ang imahe ng PNP, tinutumbasan naman niya ito ng ilan ding kapalpakan, kadalasan ay may sasabihin siya na nakabibigla at tila pag nahimasmasan na ay saka hihingi ng paumanhin.
Oo, humahanga tayo sa kanyang determinasyon at dedikasyon na labanan ang krimen, partikular na ang pagsugpo sa droga. Hanga tayo sa kung paano niya mahalin ang kanyang sinumpaang pangako sa bayan.
Pero may sablay nga siya. Gaya na lamang nitong mga nakaraang pahayag niya sa mga drug addict at mga maliliit na pusher na naghihimok na silaban ang mga bahay ng mga kilala nilang drug lords na nagpahamak sa kanila.
Tama ba namang sabihin ito ng isang alagad ng batas, lalo pa’t pinuno pa ng PNP na siya dapat nangunguna sa kampanya para sa kaayusan at katiwasayan?
At matapos siguro mahimasmasan ay sabay hihingi ng paumanhin, at sasabihin na nadala lamang siya ng kanyang emos-yon at tindi ng kanyang pagkabanas sa malalamgn problema sa droga. Katwiran pa niya, isa lang din daw siyang tao na nagagalit at nagkakamali.
“I said that because I felt bad. I was angry when I saw how the pushers and users (who surrendered) looked like zombies,” ang siyang naging pahayag ni “Bato”, isang araw matapos ang kanyang panghihimok na ma-ging arsonist ang mga drug addict at pusher.
“I am sorry if I said something undesirable. I am only human who gets angry,” anya pa.
Andiyan rin na tila nanghihikayat sa kanyang mga tauhan na ayos lang pumatay sa ngalan ng kampanya laban sa droga – na parang isang tiket na wala silang dapat ikatakot kung makapatay sila.
Hindi natin inaasahan na magmumula sa gaya ni “Bato” ang ganitong mga pahayag – ang PNP chief na nakagigiliwan at napapamahal na sa mamamayan. Huwag sanang dumating ang panahon na ang imaheng ito ay mapalitan ng isang imahe ng tila berdugo na walang humpay sa pagwasiwas ng kanyang armas at mantsado ng dugo ang mga kamay.
O, hindi kaya sadyang berdugo na nga siya ngayon pa lang ngunit nagkukubli sa isang masayahin, “charming” at ka-giliw-giliw na katauhan?

Read more...