GM Joey Antonio hindi kasama sa PH team sa 42nd World Chess Olympiad

HINDI kasama ang 2016 Battle of Grandmasters champion na si GM Rogelio ‘Joey’ Antonio Jr. sa pambansang koponan na isasabak ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa 42nd World Chess Olympiad na gaganapin sa Setyembre 1 hanggang 14 sa Baku, Azerbaijan.

Ito ang naging desisyon ng pamunuan ng NCFP na inihayag sa isinagawang send-off party Sabado ng gabi sa Brickyard Restaurant kung saan ipinakilala mismo ni Vice-President for Luzon and Chess Grassroots Development Chairman Atty. Noel Canobas ang bumubuo at lalaban sa bawat board sa men’s at women’s team.

“GM Antonio is very good in individual category such that the association has talked to him and reserved him for huge responsibilities involving our youth team and a big tournament catered for him,” sabi ni men’s non-playing team captain James Infiesto.

“Joey even extended his regard to the team and to the NCFP direction now focusing on the youth. He will be the one responsible for a youth team that the NCFP will send in a big tournament next month and for himself.”

Sasabak sa men’s team si US-based GM Julio Catalino Sadorra sa Board 1, nasa Board 2 si GM John Paul Gomez habang babantayan ni GM Eugenio Torre, na nasa rekord na ika-23 na paglalaro sa World Chess Olympiad, ang Board 3.

Ang US-based din na si GM Rogelio Barcenilla Jr. ay maglalaro sa Board 4 at si International Master Paulo Bersamina ay sasalang sa Board 5.

Ang women’s team ay kinabibilangan naman nina Woman International Master Janelle Mae Frayna, Catherine Secopito, Jan Jodilyn Fronda, Woman Fide Master Shania Mae Mendoza at Woman National Master  Christy Lamiel Bernales.

Si Frayna, na itinala ang pinakamataas na puwesto ng isang Pinay woodpusher matapos lumapag sa fifth place overall sa  girls division ng World Juniors Chess Championship, ang siyang tatao sa Board 1. Nasa Board 2 si Fronda habang nasa Board 3 si Bernales. Nasa Board 4 naman si Mendoza at nasa Board 5 si Secopito.

Lilipad patungong Baku ang buong koponan sa Agosto 31 kasama ang non-playing team captain na si Infiesto na siyang coach sa mga lalaki at NCFP executive director GM Jayson Gonzales na siyang hahawak sa mga kababaihan.

Read more...