Hilario, Sy nahablot ang ikatlong ginto sa Milo Little Olympics

IBA-IBA ang kanilang nais maabot na pangarap, bagaman iisa ang kanilang hangarin sa 2016 MILO Little Olympics – ang makabilang sa mga pambansang kampeon.

Magkakahiwalay na nagsipag-uwi ng tig-tatlong gintong medalya sina Zoe Hilario ng University of the Philippines-Integrated School (UPIS) at Mishka Sy ng Chiang Kai Shek College habang dalawa naman kay Jyd Anthony Garcia ng Golden Faith Academy upang magningning sa kada taong torneo.

Idinagdag ng Davao City swimmer na nag-aral lumangoy para lang sa kaligtasan na si Hilario ang girls 13-17 200m backstroke sa itinalang pinakamabilis na oras na 2:32.65 para sa kanyang ikatlong ginto sa asam nitong kabuuang lima sa kompetisyon na tampok ang mga kalahok sa NCR at South Luzon.

Nilangoy naman ni Sy ang kanyang ikatlong gintong medalya sa girls under-12 50m backstroke sa tiyempo na 34.85 segundo upang makisalo sa mga most medalled athlete sa torneo na para lamang sa elementarya at sekondarya.

Una nang nagwagi si Sy sa girls under-12 100m backstroke sa oras na 1:16.62 at sa 50m butterfly sa oras na 34.13.

Matapos iuwi ang pinakaunang gintong medalya sa torneo Sabado ng umaga sa pagwawagi sa boys under-12 200m freestyle sa oras na 2:34.94 minuto, idinagdag naman ni Garcia ang boys under-12 50m butterfly sa oras na 33.50 minuto.

Asam nina Hilario at Sy na maging miyembro ng pambansang koponan habang hangad naman ni Garcia na maabot ang pangarap na makatapos ng mataas na edukasyon upang matulungan ang kanyang pamilya.

“Idol ko po si Michael Phelps,” sabi ng 12-anyos at 5-foot-1 na si Garcia.

“Gusto ko po tularan ang nagawa niya sakaling maging miyembro ako ng national swimming team,” sabi pa ng Taytay-based na Grade 6 student sa Faith Academy.

Todo suporta naman ang magulang ni Hilario sa kanilang anak na si Zoe na beterano sa paglahok sa 6th Children of Asia International Sports Festival sa Yakutz, Russia.

“Hindi namin inaasahan na magiging competitive swimmer sila ng ate niya na nasa University of Santo Tomas team na si Anizamara. Pinaturuan lamang namin silang dalawa because of safety procedures dahil sumasama sila sa bangka namin kapag nagi-scuba diving kami sa Davao before at sa Batangas,” sabi ng ama na si Ralph.

“Mina-maximize lang ng mga anak namin ang talent nila. Alam nilang magastos at mahal ang sport na pinasok nila kaya nagsisikap talaga sila maski sa training pa lang,” sabi pa nito.

Read more...