Muslim extremists nagsagawa ng mass jailbreak sa Marawi City
NAGSAGAWA ng maramihang pagpuga ang mga Muslim extremist na may bitbit pang simbolo ng Islamic State (IS) sa Marawi City kung saan 28 preso ang nakatakas, ayon sa mga opisyal.
Sinabi ng pulisya na lumusob ang tinatayang 50 armadong miyembro ng Maute group sa isang lokal na kulungan sa Marawi City, kahapon, kung saan pinatakas ang walong mga kasamahan na kaaaresto lamang noong isang linggo.
Nakatakas din ang 20 iba pang bilanggo, na nahaharap sa iba’t ibang kaso matapos ang raid, ayon kay provincial police chief Senior Superintendent Agustine Tello.
Naaresto ang pinatakas na mga miyembro ng Maute group noong Agosto 22 matapos matagpuan ng mga sundalo na nagsasagawa ng checkpoint ang mga improvised bomb at pistol sa loob ng sinasakyan nilang van.
Kabilang ang Maute group sa maraming gang ng Muslim sa Mindanao.
Responsable ang grupo sa mga kidnapping, pambobomba, kabilang na ang pag-atake sa isang outpost ng Army sa Butig noong Pebrero.
Sinabi ng mga otoridad na iniimbestigahan na nila kung bakit hindi man lamang nanlaban ang mga jail guard at kung bakit hindi dinagdagan ang seguridad sa kabila ng mga high-risk na mga suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.