KAPWA asam nina Zoe Marie Hilario ng University of the Philippines-Integrated School (UPIS) sa swimming at Karl Arvyn Aquino ng St. Michaels School sa athletics na maging miyembro ng pambansang koponan.
Kaya naman agad na nag-uwi ng tig-dalawang ginto sina Hilario at Aquino tungo sa asam nilang maabot na pangarap sa pagsikad ng kompetisyon ng 2016 MILO Little Olympics sa Marikina Sports Park, Marikina City.
Agad iniuwi ng 14-anyos at Grade 8 student na inirepresenta ang Pilipinas sa 6th Children of Asia International Sports Festival sa Yakutz, Russia na si Hilario ang ginto sa Girls 13-17 400m freestyle sa oras na 4:52.53 bago muling nilangoy ang ginto sa Girls 100m backstroke sa tiyempo na 1:09.87 upang bukod tanging makadalawang ginto sa taunang torneo.
Abutin ang pangarap na matulungan ang pamilya ang hangad ng 15-anyos na si Aquino sakaling maging miyembro ng pambansang koponan kaya pinagbubuti nito ang paglalaro tungo sa pagwawagi sa Boys 110m hurdles sa bilis na 14.7 segundo bago nito sinundan sa panalo sa Boys long jump sa tinalon na 6.17 metro para sa ikalawa nitong ginto.
“Zoe wants to represent the country in international competitions,” sabi lamang ng mga magulang ni Hilario na mula Davao City na sina Anne, isang bike store owner, at Ralph, isang anesthesiologist at kapwa scuba divers. “Iyon ang gusto niya and we are fully supporting her kasama ang ate niya na nasa college na.”
“I started swimming at the age of 4 for safety purposes because my mom and dad used to go scuba diving. They left us up in the yacht while they go swim below. I started to compete when I was 6 to join my sister in the sport,” sabi ni Hilario.
Samantala, nanawagan ang beteranong sports official sa opisyales ng ahensiya ng sports sa bansa na magtayo ng isang modernong indoor stadium na magiging malaking tulong hindi lang sa grassroots sports kundi maging sa elite bukod pa sa tourism at magpapabuti sa imahe ng bansa.
“Twenty six years na ang PSC (Philippine Sports Commission) wala ni isa sa kanila ang nakaisip na magtayo ng kahit isang indoor sports stadium. Sana itong present administration makagawa tayo,” sabi ni Prof. Robert Milton A. Calo ng McRobertz Sports Academy of the Philippines, Inc., na organizer nang binuksan kamakakalawang 29th MILO Little Olympics 2016 NCR and South Luzon Leg sa Marikina Sports Center.
Ayon kay Calo, na miyembro rin ng Federation of School Sports Association of the Philippines kung saan siya ang executive vice president, maaaring magamit ang stadium ng mga kabataan upang mailayo sa bawal na droga, ng mga bagong sibol na atleta at maging ng national athletes.
“Hindi lang ‘yan. Kahit umuulan o may bagyo hindi maka-cancel ang mga sports activities, makakapag-host din tayo ng ilang international competitions na good for sports tourism at maipapakita natin na maganda at tahimik sa Pilipinas hindi ang sinasabi ng ilan na magulo sa Mindanao dahil nabasaa raw nila,” hirit ni Calo.
May mahigit 4,000 elementary-secondary student-athletes na may edad 16 anyos at pababa ang naglalabu-labo rito sa 23 disciplines na may 523 medals – gold-silver-bronze – tampok ang mga buhat Calabarzon, Mimaropa at Bicol regions.
Sunod pang tatlong yugto ng Nestle Philippines, Inc.’s nationwide sports talent search na pinanggalingan ni 2016 Rio Olympian Ian Larriba ng table tennis noong 2004 ang North & Central Luzon Leg sa Baguio sa Setyembre 3-4, Visayas leg sa Cebu sa Set. 8-11 at Mindanao Leg sa Cagayan de Oro sa Setyembre 30-Oktubre 2.