Rio Olympain Ian Lariba nagbigay hamon sa kabataan

“GREAT things start from small beginnings.”

Ito ang tanyag na kataga na naging sandigan ng isang patpatin na noon ay siyam na taong gulang pa lamang sa Cagayan de Oro City.

Sa pagsisikap at tiyaga ay naabot ni Ian Lariba  tagumpay sa larangan ng table tennis at matupad ang hangaring makapagtapos sa kolehiyo.

Iyan ang handog niya sa kanyang mga magulang na ang tanging pangarap ay makatuntong sa kolehiyo ang kanilang munting anghel noon.

Nitong Biyernes sa pagbubukas ng 2016 Milo Little Olympics sa Marikina Sports Center ay hindi inalintana ni Lariba ang buhos ng ulan para makapagbigay inspirasyon sa mga kabataang atleta na tumitingala sa kanya.

At bakit naman hindi. Nagtatag ng magandang ehemplo si Lariba sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) kung saan siya tinanghal na Athlete of the Year noong 2014 at nakapaglaro sa 2016 Summer Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.

Unang natutunan ni Yanyan, palayaw ni Lariba, ang larong table tennis sa kagustuhan ng kanyang magulang subalit dahil sa kanyang kaliitan ay ipinag-adya ito na magustuhan ang sport na table tennis na nagtulak sa kanya upang makabilang sa kasaysayan ng bansa bilang kauna-unahang atleta na nakapagkuwalipika sa Rio Olympics.

“Sundin ninyo kung ano ang gusto ninyong laro at pagbutihin tuwing makikipaglaro at maaabot din ninyo ang asam ninyong tagumpay,” ang mensahe ni Lariba sa mga libu-libong kalahok sa Milo Little Olympics NCR/South Luzon leg.

Naalala tuloy ni Yanyan noong estudyante pa siya ng Corpus Christi School sa Cagayan de Oro at nasa ibaba siya kasama sa hanay ng mga batang atletang tumitingala sa sinumang pambansang atleta na nagsasalita sa kanilang harapan.

Doon siya kumukuha ng lakas at gabay na kanyang kinipkip mula Cagayan de Oro hanggang Rio.

Ipinagmalaki mismo ni Lariba na nahasa at nasanay siya sa kanyang pagsisimula sa table tennis sa pakikipaglaro sa kada taon na torneo na tampok ang kabataang estudyante sa high school at elementarya sa buong bansa.

“Maraming beses akong natalo, pero hindi ko iyon inisip, dahil alam ko na isa lamang iyon na malaking hamon upang lalo ko pa pagbutihin ang aking nalalaman at palawakin ang aking kakayahan. Iyon ang
aking naging daan upang unti-unting magtagumpay at makabilang sa kasaysayan ng sports sa ating bansa,” sabi pa ng estudyante ng De La Salle University na may kurso na Management in Financial Institution.

Mula sa pagiging kampeon sa MILO Little Olympics Mindanao leg, inakyat ni Lariba ang pagiging varsity player para sa De La Salle University na itinulak nito sa pagiging apat na beses na kampeon sa UAAP table tennis tournament.

Agad itong tinanghal sa unang taon nito noong UAAP Season 74 bilang Rookie of the Year at sa sumunod na taon bilang Most Valuable Player (MVP). Dalawang beses pa ito naging MVP at UAAP Athlete of the Year.

Hindi na rin matatawaran ang pagiging kauna-unahang table tennis player sa bansa sapul na isama noong 1988 ang disiplina nang nakapagkuwalipika sa kada apat na taong Olimpiada.

“Kung kaya ko, kaya rin ng mga kasaling kabataan ang nagawa ko,” pagbibigay inspirasyon pa ni Lariba sa mahigit na 6,000 kabataan na mula National Capital Region at South Luzon (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan).

Read more...