OPISYAL nang inilabas nang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pinal na listahan na lalahok para sa darating na 2016 Fiba Asia Challenge Cup sa Tehran Iran mula Setyembre 9 hanggang 18.
Pasok sa 12-man roster na halos binubuo ng amateur players sina Gilas mainstay Mac Belo at Kevin Ferrer na siyang inaasahang mangunguna para sa batang koponan.
Nasa kanilang unang paglilingkod para sa national team sina UST cager Ed Daquioag, La Salle center Arnold Van Opstal, Lyceum standout Jaymar Perez kasama sina Carl Bryan Cruz, Chris Javier at Fonso Gotladera.
Kabilang rin sa Gilas 5.0 sina Mike Tolomia, Roger Pogoy, Russell Escoto at Von Pessumal na bahagi ng 2016 Seaba Cup gold medal team nitong Mayo sa Thailand.
Nalaglag naman si Jonathan Grey, dating manlalaro ng College of St.Benilde at si Almond Vosotros ng Blackwater sa final lineup subalit nakatakda namang maging reserves ng koponan.
Lilipad ang Gilas patungong Iran sa ika-anim ng Setyembre hangad na matapatan o higitan ang bronze medal finish sa Wuhan, China noong 2014.
Makakalaban ng Gilas sa pagtitimon ni coach Josh Reyes ang Chinese Taipei at India sa Group B.