Phoenix Accelerators kampeon sa 2016 PBA D-League Foundation Cup
MULING ipinakita ng Phoenix Accelerators ang kanilang dominanteng paglalaro sa pagtibag nito sa Tanduay Rhum Masters, 87-78, sa Game 3 ng Finals at mauwi ang korona ng 2016 PBA D-League Foundation Cup sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna Huwebes ng gabi.
Binalewala ni Conference Most Valuable Player Mike Tolomia ang masamang field goal shooting sa paghulog sa siyam sa kanyang 21 puntos sa ikaapat na yugto. Nagtala rin si Tolomia ng pitong rebounds at apat na assists para muling iangat ang Accelerators sa itaas.
Si Mac Belo ay kumamada ng double-double sa itinalang 14 puntos at 10 rebounds habang si Ed Daquioag ay gumawa ng 10 puntos at limang assists para sa Phoenix.
Kinumpleto rin ng Accelerators ang kanilang season sweep matapos talunin ang Café France Bakers sa Aspirants’ Cup Finals sa kanilang unang season sa liga.
Lalo pang lumakas sa pagpasok ni Raymar Jose sa kanilang lineup, binuksan ng Phoenix ang laro sa pamamagitan ng 32-17 kalamangan na pinalobo pa nito sa 20 puntos.
Subalit nagsanib puwersa sina Val Acuña at Rudy Lingganay para ang Rhum Masters ay makadikit sa tatlong puntos, 66-63, sa kaagahan ng ikaapat na yugto bago nagtulungan sina Belo at Tolomia na hatakin ang Accelerators sa pagwawagi sa kanilang pangkampeonatong serye.
“Na-experience na namin ‘yung mga ganoong games na lumalamang kami tapos nahahabol,” sabi ni Tolomia. “Basta nag-stay together lang kami as a team sa defense and kahit nag-struggle kami offensively, basta sama-sama kami, kaya naming manalo.”
Si Jaymo Eguilos ang namuno para sa Tanduay sa ginawang 16 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.