SISIGURUHIN ng Philippine Sports Commission (PSC) na hindi tsamba at hindi na bara-bara ang magiging kampanya ng bansa sa iba’t-ibang lalahukan na internasyonal na torneo.
Ito ay kahit apat na taon pa bago ang 2020 Tokyo Olympics ay sinimulan na agad ng PSC ang paghahanda para sa inaasam nitong pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas sa itinakda nitong pagdoble sa pondo ng mga atletang inaasam makapagkuwalipika at makapagwagi ng medalya sa kada apat na taong torneo.
Ito ang sinabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez patungkol sa kinahinatnan ng kampanya ng Pilipinas sa katatapos lamang na 2016 Rio de Janeiro Olympics kung saan 13 Pinoy athletes ang sumabak at tanging si women’s weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz ang nakasungkit ng medalya.
“Hindi na puwede ang bara-bara. Hindi tayo dapat na masanay sa tsamba. Dapat alam na natin kung sino talaga ang makakapagwagi ng medalya tulad sa ibang bansa na alam na nila kung sino sa kanilang mga atleta ang magwawagi bago pa man umalis dito patungo sa sasalihang torneo,” sabi ni Ramirez.
Isa sa tinukoy ni Ramirez na kasagutan sa hinahangad na direksiyon ay ang pagbubuo ng komprehensibong plano sa Philippine Sports Institute (PSI) at Philippine Center for Sports Medicine (PCSM) pati na rin ang pagdodoble sa badyet para sa pagsasanay ng mga atletang may potensiyal.
Sinabi ni Ramirez na isa na sa prayoridad nito ang 2016 Rio Olympics silver medalist na si Hidilyn Diaz na nangako mismo sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibibigay ang inaasam na nakapailap na kauna-unahang gintong medalya ng bansa sapul na sumali sa Olimpiada noong 1924.
“I take her word when she promised to the President in front of me that she will bring the gold in 2020. Ngayon pa lang sisimulan na natin ang target niya,” sabi ni Ramirez kung saan iniutos nito ang paglilipat kay Diaz sa isang maliit ngunit mas maayos na condotel na nararapat para sa isang bayani ng bansa.
“We will double the budget for the training of our Olympic hopefuls,” sabi ni Ramirez. “Expect that magbabago talaga ang ating polisiya because we are up to prioritize Olympics, second ang Asian Games at ikatlo ang Southeast Asian Games?”
Nakatuon din ang ahensiya na suportahan ang pinakaunang table tennis player ng bansa na nakakuwalipika sa Olympics na si Ian Lariba.