Supreme Court justice patong sa droga?

KUNG nakinig lang si Pangulong Noynoy sa kanyang interior secretary na si Jesse Robredo, baka hindi ganito kalala ang problema sa droga na kinakailangang bigyan ng marahas na solusyon ng pumalit sa kanya.

Ayon sa aking mapagkatiwalaang source, binigyang balala si P-Noy ni Robredo tungkol sa malahiganteng problema sa droga.

Ipinakita pa nga ni Robredo sa kanyang Pangulo ang listahan ng government officials na patong sa droga, ayon sa aking source.

Sa halip na magpakita ng interes at gumawa ng aksyon, sinabi ni P-Noy kay Robredo na itabi muna ang listahan dahil may mga tao sa listahan na kilala ng Pangulo.

Isa sa listahan ay miyembro ng kanyang Gabinete.

Ang dahilan kung bakit hindi interesado si P-Noy sa listahan o white paper ni Robredo ay dahil ayaw niya rito at kaya lang kinuha niya bilang Cabinet member ay dahil rekomendado siya ni Mar Roxas.

Hindi kasi agad makaupo si Roxas dahil katatalo lang niya kay Jojo Binay sa vice presidential race.

Si Robredo at Roxas ay magkaibigan.

Kaya si Robredo, na walang question sa pagiging tapat at malinis, ay itinabi ang kanyang white paper sa tinitirhan niyang condominium unit.

Nang mamatay si Robredo sa plane crash nilooban ang kanyang condo at ni-ransack ito.

Isa sa mga nawala ay ang white paper.

Ang kamandag ng droga ay nakarating na sa Supreme Court, ayon sa isang source sa loob.

Lubhang nanganganib ang buhay ng isang associate justice ng Korte Suprema dahil mariin niyang sinabi sa kanyang mga kapwa mahistrado na dapat ay mapanatili ang pagkakakulong ng isang drug lord sa Bilibid dahil sa salang pagpatay ng isang judge.

Nakarating sa convicted drug lord ang malakas na argumento ng mahistado na siya’y mapanatili na makulong na habambuhay base sa desisyon ng lower court.

Ang tanong: Bakit nakarating sa drug lord ang argumento ng mga mahistrado sa loob mismo ng kanilang chamber?
Apat lang na mahistrado ang nasa loob ng chamber at walang empleyado ang pinapasok sa deliberasyon.

Sino sa tatlo niyang kasamahan ang nagsuplong sa drug lord?

Ang planong ipapatay ang mahistrado ay aksidentent nadiskubre.

Isang Supreme Court justice ang nagtalaga ng asset sa loob ng Bilibid upang malaman kung paano ginawa ang plano pagpatay sa kanyang kapatid na congressman.

Ang mambabatas na kapatid nga ng mahistrado ay binaril sa labas ng simbahan sa Quezon City.

Sa halip na makakuha ang asset ng impormasyon tungkol sa pakay niya sa Bilibid, nadiskubre niya ang planong patayin ang isang Supreme Court justice.

Hindi humihingi ng security ang Supreme Court para sa mahistrado sa Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI).

“Baka makakuha kami ng security escorts na patong sa droga. Hindi natin alam, Mon,” sabi sa akin ng source.

Oo nga naman!

Kung isa sa Supreme Court justices ay may relasyon sa drug syndicate, na pinamumunuan ng nagpapapatay sa justice, hindi natin masasabi na ang magiging security escort ay kasama rin sa sindikato ng droga.

Dear readers, ganoon na kalala at kalat ang droga sa bansa na kahit Supreme Court justice ay nadungisan na.

Sino naman kasi ang nagpaabot sa drug lord na nasa Bilibid tungkol sa pinag-usapan sa chambers ng mataas na hukuman kundi isang mahistrado rin na kasama sa deliberasyon.

Supalpal si Sen. Leila de Lima, chairperson ng committee on justice and human rights na nag-iimbestiga ng diumano’y pagsasalvage ng mga drug pushers at dealer.

Ang sumupalpal sa kanya ay si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na inimbitahan ng komite na sagutin ang tanong ng mga senador.

Nang tinanong ni De Lima si Bato kung meron pang droga na nakakapasok o nakakalabas sa Bilibid, sagot ni Bato ay “zero” dahil binabantayan ng mga tropa ng Special Action Force (SAF) ang pinakamalaking kulungan sa bansa.

Sana, ani Bato kay De Lima, ginawa ng senadora na pagbantayin ng SAF ang Bilibid noong panahon na siyaý secretary of justice.

Read more...