Budget ng OP lumubo nang bonggang-bongga

MARAMI ang tumataas ang kilay dahil sa inilaki ng budget ng Office of the President para sa susunod na taon.

Simple lang kasi ang pamumuhay ni Pangulong Duterte sa Davao City kaya walang nag-isip na magiging magastos ang Malacanang sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Nang isumite ni Budget Sec. Benjamin Diokno ang proposed 2017 national budget sa Kamara noong nakaraang linggo, may reporter na nagtanong sa kanya kung bakit lumobo ang budget ng OP sa P20.030 bilyon.

Ang budget ng OP ngayong taon ay nasa P2.86 bilyon lang.

Kahit si Diokno ay hindi makapaniwala na ganoon ang inilaki ng pondo para sa tanggapan ng Pangulo.

Nang makausap ang isa niyang staff ay saka siya nakapagbigay ng paliwanag.

Gagastusan pala kasi ng Malacanang ang ASEAN Summit sa 2017. Mukhang bongga ang summit dahil ito rin ang ika-50 taong anibersaryo ng ASEAN.

Nagkakahalaga umano ng P15 bilyon ang gugugulin sa ASEAN Summit.

Kung ito lang ang gagastusin sa naturang pagpupulong, ang matitira ay mga P5 bilyon pondo ng Palasyo.

Isa ring nakapukaw sa atensyon ng media ang nakalaang Intelligence Fund ng Malacanang.

Mula kasi sa P250 milyon ngayong taon, umakyat ang intel fund ng P1.25 bilyon.

Meron ding item sa OP budget na Confidential Expenses.

Ngayong taon ang budget dito ay P250 milyon at sa susunod na taon ay P1.25 bilyon din.

Ang dagdag na P2 bilyon ay malaking pera, pero aangal ba ang bansa kung gagamitin naman ito nang tama?

Ito lang naman ang request ng taumbayan, ang magamit nang tama ang confidential and intelligence fund.

Sana magamit ang pondong ito para mahanap ang mga adik at pusher na patuloy pa rin sa kanilang operasyon sa kabila ng matinding kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot.

Sana matukoy na ang mga pulis na sabit sa operasyon.

Sana rin ay matukoy niya ang mga nasa kampo niya na nais na sumabotahe sa kanyang magandang hangarin para sa bayan.

Sana ang mga driver ng mga patok na jeepney at mga kaskaserong bus driver ay mahuli na rin.

Mahalaga para sa pangulo na magtagumpay ang kanyang kampanya laban sa kriminalidad partikular ang paglaban sa ipinagbabawal na gamot.

Ito ang kanyang inialay sa taumbayan noong kampanya at ito ay inaasahan ng taumbayan na kanyang matutupad.

Wala pang isang taon sa Malacanang si Duterte kaya naman napakaaga pa para siya ay husgahan kung ano ang kanyang magagawa.

Ang kasalukuyang budget na kanyang ginagamit ay gawa rin ng pinalitan niyang administrasyon.

Sa susunod na taon, kapag ang budget na kanyang ginawa na ang kanyang ginagamit, tignan natin kung ano ang kanyang magagawa.

Malaki rin ang paglobo sa travel expenses ng Pangulo.

Noong 2015 ang pondo ng Aquino government ay P312.9 milyon. Ngayong 2016 ay P313.1 milyon.

Sa susunod na taon ay P2.128 bilyon.

Dahil travel expenses ito, nangangahulugan ba na bibiyahe nang bibiyahe ang presidente sa labas ng bansa?

Hindi naman siguro mauubos ni Pangulong Duterte ang ganito kalaking pondo sa kanyang pag-uwi-uwi sa Davao City.

Read more...