Yan ang karma, Mike Arroyo | Bandera

Yan ang karma, Mike Arroyo

Ramon Tulfo - August 23, 2016 - 12:06 AM

SI Rodrigo “Digong” Duterte ay bungod-tanging Pangulo ng bansa na napagsabihan ang Estados Unidos at United Nations ng “shit” at “inutil.”

Ipagmalaki natin si Mano Digong dahil sa paninindigan niya sa karapatan ng Pilipinas na makapagsarili at dapat hindi pinakikialaman ng ibang bansa.

Sinabi ng aking kaibigang Kano, na hindi ko na babanggitin ang pangalan, na dapat huwag panghimasukan ng Estados Unidos at United Nations ang mga problemang panloob ng Pilipinas.

Narinig niya kasi sa telebisyon ang sinabi ng Pangulo laban sa America at UN.

“Mon, my country and the UN should not meddle in another country’s internal affairs,” aniya.
***

Nag-post si dating First Gentleman Mike Arroyo sa Facebook, na pinatulan naman ng social news network na Rappler, na nakakarma ngayon si Sen. Leila de Lima dahil sa pagpapahirap na ginawa niya sa kanya at sa kanyang esposa na si dating Pangulong Gloria noong siya’y secretary of justice.

Hindi sinunod ni De Lima ang kautusan ng Supreme Court na pinapayagan si GMA na makaalis ng bansa
upang magpagamot.

Tama si Mike Arroyo na nilabag ni De Lima ang karapatang pantao nilang mag-asawa nang pinigilan sila ng noon ay justice secretary na mapag-abroad kahit na may kautusan ang Korte Suprema.

Pero napatawa ako ng malakas nang sinabi niya na karma ang sinapit ni De Lima dahil sa kanyang pagpapahirap noon sa kanya ay kay GMA, na ngayon ay congresswoman ng Pampanga.

Nakalimutan yata ni Mike Arroyo na ako’y kanyang pinahirapan ng matindi matapos kong inekspos ang mga gawaing smuggling ng kanyang kabit na si Vicky Toh dito sa BANDERA at sa column ko sa INQUIRER.

Ginamit ni Mike A. ang kapangyarihan ng opisina ng kanyang misis upang balikan ako at ang publisher at mga editors ng INQUIRER sa pamamagitan ng pagsasampa ng maraming libel cases.

Ginamit din ni Mike A. ang ibang tao upang pahirapan ako sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga gawa-gawang extortion cases laban sa inyong lingkod.

Isang janitor-messenger sa Bureau of Customs, na hindi ko kakilala, ang nagsampa ng extortion case laban sa akin; sinabi niya na humihingi ako ng P100 sa kanya kada linggo.

Ang abogado ng janitor-messenger ay abogado rin ni Mike Arroyo sa iba niyang mga kaso.

Si Joey Yuchongco, isang dating customs police chief na aking matagal na kaibigan at kainuman, ay nagsampa ng extortion case sa akin na walang dahilan kundi napangakuan siya ng First Gentleman ng promotion.

Isa pang customs official, na babaeng lawyer, ang nagsampa rin ang kasong extortion laban sa akin at sa aking kapatid na si Raffy.

Nakakatawa ang kasong isinampa ng customs collector na ito dahil siya’y dating girlfriend ng aking kapatid.

Naghiwalay si Raffy at ng customs official dahil sa isyu ng hygiene. Huwag na ninyong itanong kung ano iyon.

Napahiya ang customs official sa korte nang inilahad ni Raffy ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.

Nilapitan din ni FG Mike ang aking kaibigan at hunting buddy na noon ay Deputy Customs Commissioner Celso Templo upang yakagin na sampahan din ako ng kasong extortion.

Pinangukuan ni FG si Templo na maging customs commissioner kapag sinunod ang pinagagawa sa kanya ni Mike.

Hindi sinunod ni Manong Celso ang kagustuhan ni Mike Arroyo kaya’t hindi siya naging customs commissioner.

Nakita ni Davao City Mayor Digong ang pagpapahirap sa akin ni FG.

Kinausap niya si FG at sinabing magkalapit na kaibigan ko naman daw si Mike bago kami naghiwalay.

“Humingi ka na ng ibang pabor, huwag lang ito,” sabi ni Mike Arroyo kay Digong.

Ang pang-aapi ni Mike Arroyo sa mga taong naging kaaway niya ang dahilan ng paghihirap nilang mag-asawa ngayon.

Yan ang karma.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kung ano ang iyong tinanim, siya mo ring aanihin.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending