SINABI kahapon ni Interior Secretary Ismael “Mike” Sueno na nakatakda na niyang pirmahan ang rekomendasyon para kasuhan ang dalawang sa limang heneral na naunang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa iligal na droga.
Sa isang press conference sa Malacanang, sinabi ni Sueno na kabilang sa mga pormal nang kakasuhan ay sina Police Director Joel Pagdilao; at Chief Superintendent Edgardo Tinio.
“Generals Pagdilao and Tinio — we are ready with the prima facie case against them, which I will sign when I get back to my office,” sabi ni Sueno.
Bukod kina Pagdilao at Tinio, idinawit di ni Duterte sina retired Deputy Director Gen. Marcelo Garbo; retired Chief Supt. at ngayon ay Daanbantayan Cebu Mayor Vicente Loot; at Chief Superintendent Bernardo Diaz.
Idinagdag ni Sueno na patuloy naman ang pangangalap ng ebidensiya laban kay Diaz na dating nakatalaga sa Region 6.
“So, it takes sometime for us to really gather evidences against General Diaz but we are sure we have the goods against him, we have evidences (sic) against him,” ayon pa kay Sueno.
Samantala, inamin naman ni Sueno dahil bagong mayor si Loot, hindi makakalap ng mga ebidensiya para siya makasuhan ng administratibo.
“And since he is a new mayor, we cannot come up with evidences administratively against him as mayor. So… But what we are doing is we are conducting lifestyle check on him to find out that his assets are not proportionate to his income. So that is our strategy,” ayon pa kay Sueno.
Hindi naman sinabi ni Sueno kung anong mga kaso ang ihahain laban sa mga umano’y narco-general.
“We will come out with the cases to be filed against them in due time,” aniya.
Sinabi pa ni Sueno na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ang inatasan para magsampa ng kaso laban kay Garbo.