Frayna nakalasap ng kabiguan sa 2016 World Junior Chess Championships

NAPUTOL ang mainit na kampanya ni  Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna ng Pilipinas matapos na malasap ang unang kabiguan nitong Biyernes kontra WIM Rueda Paula Andrea Rodriguez ng Colombia sa round 11 ng 2016 Fide World Junior Chess Championships 2016 (for boys & girls under 20) sa KIIT University, Bhubaneswar, India.

Napuwersa ang 19-anyos na psychology student ng Far Eastern University  at kinilala bilang Most Valuable Player sa chess at Athlete of the Year sa UAAP Season 76  na sumuko gamit ang itim na piyesa matapos ang 60 moves kontra sa 5th seed na si Rodriguez.

Dahil dito ay nabitawan ni Frayna ang solong hawak sa liderato at ngayon ay katabla niya sa unahan ang tatlo pang ibang manalalaro.

Ang kabiguan ay una ni Frayna sa torneo matapos na magtala ng anim na panalo at apat na draw.

Base sa tiebreak ay nasa ikalawang puwesto si Frayna (Elo 2292) na may 70 puntos sa likod ng nangungunang si WIM PV Nandhidhaa (Elo 2151) ng India na may 71 puntos. Ikatlo ang tumalo kay Frayna na si Rodriguez  (Elo 2321)  habang nasa ikaapat si WGM Dinara Saduakassova (Elo 2423) ng Kazakhstan.

Habang isinusulat ang balitang ito ay makakasagupa ng seeded No. 9 na si Frayna sa round 12 ang seeded No. 18 na si WIM S. Dharia Parnali (Elo 2203) ng India.

Samantala, napaangat ng isa pang Pinay sa torneyo na si Woman Fide Master Shania Mae Mendoza (Elo 2191) ang kanyang puwesto sa ika-31 silya sa pagtipon ng kabuuang 5.5 puntos.

Ito ay matapos na biguin niya  ang 52nd seed na si Lakshmi R. Divya (Elo 1864) ng India.

Samantala, tumuntong  sa Top 10 ng boys division  ang National University standout na si IM Paolo Bersamina (Elo 2402) sa pag-okupa nito sa ikapitong puwesto sa natipon na 7.5 puntos.

Tinalo ng 17-anyos at seeded No. 26 na si Bersamina ang  seeded No. 6 na si IM Rasmus Svane ng Germany. Una itong nagtala ng matinding upset sa torneo matapos na gibain ang 5th seed German Grandmaster na si Dennis Wagner.

Umakyat naman sa ika-68 puwesto si Paul Robert Evangelista (Elo 2020) matapos magtipon ng 5.0 puntos para sa ika-67 hanggang ika-73 puwesto sa torneo.

Read more...