Barangay Ginebra Kings, Mahindra Enforcers hihigpitan ang kapit sa No. 2 spot

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs Mahindra
6:45 p.m. Brgy. Ginebra vs Rain or Shine
Team Standings: TNT KaTropa (6-0); Barangay Ginebra (4-2); Mahindra (4-2); San Miguel Beer (4-2); Rain or Shine (3-2); Meralco (4-3); NLEX (3-3); Phoenix Petroleum (2-4); GlobalPort (2-4); Alaska (2-4); Blackwater (1-5); Star (1-5)

MANATILI sa ikalawang puwesto ang tutumbukin  ng Mahindra Enforcers at Barangay Ginebra Kings sa pagsagupa sa magkahiwalay na katunggali sa pagpapatuloy ng 2016 PBA Governors’ Cup elimination round ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Agad magsasagupa ang Enforcers at Blackwater Elite sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago sundan ng bakbakan sa pagitan ng Barangay Ginebra Kings at Rain or Shine Elasto Painters dakong alas-6:45 ng gabi.

Siguradong magpipilit na makakuha ng panalo ang Mahindra at Blackwater dahil pareho silang may losing streak.

Ang Enforcers ay magmumula sa dalawang sunod na pagkatalo habang ang Elite ay manggagaling sa apat na diretsong pagkatalo.

Matapos magtala ng tatlong diretsong panalo ay nakalasap ng double overtime na pagkatalo ang Gin Kings sa kamay ng San Miguel Beermen, 111-105, noong nakaraang Linggo.

Ang Elasto Painters ay galing naman sa pagwawagi sa Alaska Aces, 117-114.

Samantala, kinubra ng Alaska ang kanilang ikalawang panalo matapos durugin ang Star Hotshots, 85-69, sa kanilang laro kahapon sa Panabo Multi-Purpose Tourism, Sports & Cultural Center sa Panabo City, Davao del Norte.

Ang panalo ng Alaska ay tumapos din sa kanilang tatlong diretsong kabiguan habang ang Hotshots ay nakalasap ng ikatlong sunod na pagkatalo.

Gumawa si LaDontae Henton ng 27 puntos at siyam na rebounds para pamunuan ang Aces, na nilimita ang Hotshots sa pinakamababa nitong naiskor na puntos ngayong season at tapatan ang naiskor ng Globalport Batang Pier sa 2016 Philippine Cup semifinals. Si Calvin Abueva ay nag-ambag ng 10 puntos para sa Alaska.

Kumamada si Joel Wright ng 30 puntos para pangunahan ang Star na nalasap ang ikalimang talo sa anim na laro. Nagdagdag si RR Garcia ng 15 puntos para sa Hotshots.

Read more...