KAPWA hindi pa nakakatikim ng kampeonato sa men’s basketball ng Olympics ang Australia at Serbia, kaya naman uhaw ang dalawang koponan na makatuntong sa finals sa hangaring makapag-uwi ng medalya sa 31st Summer Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Hanggang final four lang pinakamagandang pagtatapos ng mga Australyano, ang huli ay noong 2000 sa kanilang homecourt sa Sydney samantalang ang Serbia ay 1996 pa nang maiuwi ang medalyang pilak sa Atlanta matapos yumukod sa USA.
Pinataob ng Boomers ang Serbs sa preliminary round, 95-80, sa tulong ni NBA at Cleveleand Cavaliers guard Matthew Dellavedova na may 23 puntos at 13 assists. Ginapi rin ng 19-time FIBA Oceania titlist Australia ang France (87-66), China (93-68), Venezuela (81-56) sa preliminary round at ang Lithuania sa quarterfinals, 90-64 upang muling makabalik sa semifinals sa loob ng 16 na taon at ikaapat sa kabuuan (una noong 1988 Seoul at sinundan ng 1996 Atlanta Games) Tanging ang 88-98 na kabiguan sa kamay ng Estados Unidos ang bahid sa rekord ng bansa.
Bukod kay Dellavedova, muling sasandal ang koponan sa iba pa nitong NBA players na sina Andrew Bogut, Patty Mills, Joe Ingles, Cameron Bairstow at Aron Baynes sa tsansang makapagbulsa ng mailap na medalya.
Inungusan naman ng Serbia ang Croatia sa knockout quarterfinal match, 86-83, upang selyuhan ang tiket patungo sa unang semifinals appearance sa loob ng 20 taon na siya ring pangalawa para sa bansa simula 1936. Sa prelims ay kinubra nito ang tagumpay kontra Venezuela (86-62), China (90-64) at bigo rin laban sa France (75-76) at USA (91-94).
Pangungunahan ng mga top scorer ng koponan na sina Bogdan Bogdanovic at Miroslav Raduljica ang kampanya ng Serbs sa alas-siyete ng gabing sagupaan (6:00 ng umaga, Agosto 20 sa Pilipinas).
MOST READ
LATEST STORIES