USA, Spain magkakasubukan sa semis

usa vs spain
TATLONG sunod nang nagkaharap sa finals ng Olympics ang USA at Spain, subalit sa pagkakataong ito, maagang magkakasukatan ng tikas ang dalawang bansa sa knockout semifinals ng men’s basketball ng 31st Summer Games sa  Rio De Janeiro, Brazil.
Nagtagpo sa 2008 Beijing at 2012 London Games championship match ang mga Espanyol at Amerikano kung saan nanaig ang pwersa ng huli upang iuwi ang gintong medalya at makuha ng una ang ikalawa at ikatlong medalyang pilak ng bansa.
Target ng Estados Unidos ang ikatlong sunod na kampeonato at ang ika-15 gintong medalya sa 18 beses na pagsali nito sa kada apat na taong torneo. Nakasungkit ang koponan ng silver sa Munich noong 1972, at bronze sa 1988 Seoul at 2004 Athens Olympics.
Aasintahin naman ng Espanya ang pangatlong sunod na pagtuntong sa final round at higitan ang tatlong silver finish nito sa 11 beses na paglahok sa palaro. Unang nagkamit ng medalya ang bansa noong 1984 sa likod rin ng Amerika.
Bitbit ang malinis na 6-0 rekord, babandera para sa powerhouse USA ang mahuhusay na NBA talents sa pangunguna nina veteran Carmelo Anthony at Kevin Durant kasama ang sampung baguhang kakampi na nasa una nilang international stint.
Nilampaso ng USA ang China (119-62) at Venezuela (113-69) bago malusutan ang matinding hamon ng Australia (98-88), Serbia (94-91) at  France (100-97) sa preliminary round at padapain ang Argentina (105-78) sa quarterfinals.
Dumaan naman ang world number two at 2015 EuroBasket champion Spain sa pagsubok sa prelims matapos makalasap ng dalawang sunod na mapait na pagkatalo sa kamay ng Croatia, 70-72, at Brazil, 65-66 na naglagay sa koponan sa panganib na agad mapatalsik sa kumpetisyon. Subalit nakabawi ang mga Espanyol sa mga sumunod na laro nang pabagsakin ang Nigeria (96-87), Lithuania (109-59), Argentina (92-73) at pagbigo sa France sa quarterfinals 92-67.
Pangungunahan nina NBA standouts Pau Gasol, Ricky Rubio, Jose Calderon at Nikola Mirotic ang Spain tungo sa pagnanais na maiuwi ang kauna-unahang gintong medalya ng koponan.
Nakatakda ang inaabangang salpukan sa Agosto 19 sa ganap na 3:30 ng hapon sa Brazil (2:30 ng umaga sa Pilipinas).

Read more...