Teodoro binuhat ang JRU Heavy Bombers laban sa Mapua Cardinals

Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
12 nn. San Sebastian vs Perpetual Help
2 p.m. EAC vs San Beda
4 p.m. St. Benilde vs Arellano University

IKINALAT ni Teytey Teodoro ang pito sa kanyang 22 puntos  sa fourth quarter para itulak ang Jose Rizal University sa 65-60 panalo laban sa Mapua Institute of Technology kahapon sa 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena, San Juan City.

Umiskor din ng limang puntos si Teodoro sa last two minutes para tulungang mapanatili ng Heavy Bombers ang kalamangan at masiguro ang ikalimang panalo sa 10 laro.

“We all know what Teodoro can do, he’s really our go-to-guy,” sabi ni JRU coach Vergel Meneses.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa season na ito ay nanalo ng magkasunod ang JRU. Ginulat nila ang nangungunang San Beda College, 79-73, noong isang linggo.

Isang resbak din ito para sa JRU na yumukod kontra Mapua, 71-74, sa opening game ng liga noong Hunyo 25.

Bumagsak naman sa 6-4 baraha ang  Cardinals.

Sa ikalawang laro, sinandalan ng Lyceum of the Philippines University si Jesper Ayaay sa mga huling segundo ng laban para gulatin ang nagtatanggol na kampeong Letran, 68-66.

Tabla ang laro sa iskor na 66-all nang makalusot sa depensa ng Letran si Ayaay para makaiskor sa isang layup at tulungan ang Lyceum na makumpleto ang pagwalis sa kanilang season series.

Sumablay naman ang triple ni McJour Luib para tuluyang ipagkaloob sa Pirates ang No. 5 spot kasama ang Knights at Heavy Bombers sa 5-5 karta.

Read more...